Monday, November 29, 2010

Ina - High School

        Tuluyan ko na ngang nilisan ang mundo ng kabataan. Ang mundo kung saan para sa akin, ang pag-aaral at pagpasok sa eskwelahan ay panakip butas lamang sa kagustuhan kong maglaro.
           Nagdaan ako sa tatlong madudugong pagsusulit para makapasok sa isang Science High School. Bukod sa kagustuhan ko ito, ikaw ang pumilit sa akin na mag-apply para may madagdag na naman sa ipagmamayabang mo. Hindi para sa akin kundi para sa iyo.
           Maaga akong pumupunta sa mataasan na paaralang iyon sa tuwing kukuha ng pagsusulit. Andaming estudyante mula sa iba’t ibang paaralan. Mga valedictorian pa ang karamihan. Ang ingay ng paligid. May mga nagkukwentuhang mga estudyante at nagtsitsismisang mga magulang. Ako? Nasa isang tabi, nakaupo, mag-isa. Nasaan ka? Dinala mo ako sa laban na ito pero iniwan mo ako sa panahon ng pakikidigma.
           Interview na ang huling hakbang para makapasok. Kabado ako, sobra. Hindi ko alam ang gagawin. Nanginginig ako. Namamawis ang aking mga kamay sa kaba. Wala akong pinag-applyang ibang paaralan kaya kailangang makuha ako. Nangingilid ang luha ko sa sobrang takot at pangamba. Pero yung iba, mga nakangiti, nakikipagkwentuhan kasama ng mga magulang nila. Muli, nasaan ka?
           Natanggap ako! Masaya ako. Masaya ka ba? Hindi ko alam. Hindi ko alam kung nasaan ka na naman.
           Bago ang pasukan, may pagpupulong na ginanap para sa mga magulang at estudyante. Maganda ang usapan natin noong gabi bago ang araw nay un. Pupunta ka. Nawala ang hinanakit ko sa mga pagkakataong wala ka noong mga araw na kinakabahan ako. Masaya na ako kasi sa wakas, makakapunta ka.
           Sumikat na nga ang araw at sabay tayong pumunta sa paaralan. Lahat sila naroon. Umupo tayo. Ang tagal magsimula. Nakaramdam ako ng pag-ihi at pumunta sa banyo. Bumalik ako sa silid. Binalot ng galit ang pagkatao ko. Ikinulong ako ng hiya. Nasaan ka? INIWAN MO AKO!
           Umuwi na lamang ako at gaya ng palagi mong binibigay sa akin, luha ang dumaloy sa maghapon hanggang sa ako ay makatulog na naman.
           Hindi mo ako kailangang paasahin. Sinabi mo na lamang sana ang totoo. Lagi mo itong ginagawa sa akin. Ang mangako, paasahin ako at iwanan sa ere. Masakit. Naawa ako sa sarili ko. Sana naawa ka rin sa akin. Sana naawa ka sa anak mo.

No comments:

Post a Comment