Monday, November 29, 2010

Ending

Pagod dahil sa trabahong sinubukan. Naglakad sa kahabaan ng Alabang dahil sa sundong hindi matagpuan. Saan ba kasi yung MMDA outpost? Nasa tapat pala ng Starmall. Muntik pang mabangga. Lagpak pag sakay sa kotse. Knock down. Nakarating sa bahay. Sabi ko tutulog na agad ako sa sobrang pagod. Pagdating, naghanap ng pagkain. Walang pagkain. Pasok sa kwarto, nag-online. Tinawag ako, handa na raw ang pagkain. Tatlong kutsarang kanin (literal), hotdog at paksiw. Antagal maubos. Ginulat ako ng sigaw “Hoy! Bakit ga ika’y nakatulala?” Sabi ng daddy. Tuloy sa pagkain. Tulala uli. “Aba’y kain na at ika’y magpahinga. Pagod na pagod ka e.” Sabi ng Ate Edna. Natapos rin.
         Balik sa kwarto. Naramdaman kong kailangan ko ng isang buntong-hinga. Ginawa ko. Pero hindi lang yun. Kasabay nitong umagos ang mga luha mula sa aking mga mata. Hindi ko alam kung dahil lang sa pagod ngunit kung anu-ano agad ang pagmumuni-muning nagawa ko. Ambigat bigla ng kalooban ko. Ang hirap. Bigla  mo na lang mararamdaman na mag-isa ka, na wala kang kwenta, na para bang ang laki ng pagkakamali mo para hindi ka intindihin ng mga taong inaasahan mong naririyan para sa’yo.
        Alam kong may pagkakamali ako, malaki ang pagkakamali ko. Tanggap ko na rin naman halos na kasalanan ko kung bakit ako nagkaganito pero sana hindi niyo ako iniwan. Ngayon ko kailangan ng pamilya na alam kong matagal nang nawala. Kailangan ko ng kaibigan, hindi marami, yung tunay, yung may pagmamahal.
        Hindi ako naghahanap, kailangan ko lang talaga.
        Patuloy na umagos ang mga luha. Hamagulhol. Parang tanga lang. Ambigat ng kalooban ko. Anong gagawin ko? 
         Masakit na hindi ko naabot ang pangarap ko sa oras na dapat ay nasa akin na ito. Pero alam mo ang mas masakit? Ang katotohanang ginagawa ko yun para sa iba at hindi para sa sarili ko.  Pinagbubuti ko para sa iba, hindi para sa akin. Sabi ng malapit na professor sa akin, “You have to do it for yourself and not for others. Not for compliance.” Sabi ko, hindi ba ang selfish nun? Sabi niya, hindi raw. Napaisip ako. Tama nga. Mahirap kuhanin ang isang bagay sa maling dahilan.
      Mula alas otso, umiiyak na ako. Nagtagal ito hanggang bago mag-alas onse. Ang hapdi ng mata ko. Ang hapdi ng mga sugat na nanunumbalik. Napakasakit. Forever alone ang pakiramdam.
     Ginusto kong sumuko. Tapusin ang lahat. Para wala na ring problema. Para hindi ko na problemahin ang mundo at hindi na rin ako problemahin nito. Pero hindi ko kaya. Hindi kaya ng loob kong gawin ang kung anumang iniisip ko.
    Kusa rin namang tumigil ang aking pag-iyak. Kala ko tapos na. Nilamig ako ng sobra. Yan na nga, nilalagnat ako. Nanghina at pumasok na naman ng pauli-ulit parang unli at reblog lang sa isip ko ang mga bagay-bagay. Hindi ko alam kung paano tatapusin ito dahil nasa isip ko pa rin ang mga bagay na iyon. Paano ko tatapusin ang entry na ito?
*nilalagnat pa rin ako at nanginginig ang mga kamay habang ginagawa ito.*

No comments:

Post a Comment