Monday, November 29, 2010

Ina - Medalya

        Tinanggap kita. Binigyan ng pagkakataon kahit ako ay muli mong ipinagpalit. Tinanggap ko ang buhay kasama ang iyong asawa at isa pang anak. Namuhay tayo ng normal. Ikaw, asawa mo at anak niyo. At ako at ang Inay (Lola). Yan ang normal sa atin.
         Nasanay na akong pumasok sa paaralan nang mag-isa total naman ay isang tambling lamang ito mula sa ating tirahan. Nasanay na akong walang naghihintay na sundo sa akin sa labas ng silid-aralan. Nakasanayan ko na ring walang dadalo sa tuwing magpapatawag ng PTA meeting si Ma’am. Madaling tanggapin ang lahat kapag nakasanayan mo na. Wala na ang sakit.
         Bata pa lamang ako noon. Anong inaasahan mo? Magbigti ako? Masaya na akong maglaro ng holen, teks, paper dolls at kung anu-ano pa. Sanay na ako.
         Pero bakit tila nag-iiba ang ihip ng hangin sa tuwing matatapos ang taon ng pasukan? Bigla kang lumilitaw. ‘Proud’ ka kamo sa akin. Nagpiprisinta ka na umakyat sa entablado sa tuwing sasabitan ako ng medalya. Pinagtatalunan natin yan. Ayokong ikaw. Gusto ko, ang inay. Alam ng lahat na mas mahal ko siya kaysa sa’yo. Naririyan siya palagi, may medalya mang isasabit sa akin o wala.
         Gayunpaman, pumayag na rin ako. Wala na akong magagawa. Aakyat na naman tayong dalawa sa entablado. Ang ngiti mo ay banat na banat. Ipinagsisigawan mong anak mo ako. Ang mga tao, walang kaalam-alam, nakikisakay lamang.
        Hindi maipinta ang aking mukha. Dahil ang sa loob ko, humihiling ako na sana ipagsigawan mo rin na anak mo ako kahit walang medalyang nakasabit sa leeg ko.

No comments:

Post a Comment