Monday, November 29, 2010

Ina - Nasaan ang Pangko mo?

           Apat na taon ako nang magkaroon ng malay, nang matandaan kong kasama kita – tumatawa at nagkukulitan sa likod ng mga bakal na rehas.
         Matapos ang dalawang taon, gabi, habang kami ay nagkukwentuhan sa may bakuran, bumaba ka mula sa tricycle. Hindi ko pa alam na ikaw ang aking Ina noon. Ate pa ang tawag ko sa’yo.
         Marahil nga ay masama sa pakiramdam ng isang Ina ang hindi makilala ng isang anak. At ayaw ng isang ina na “Ate” ang tawag sa kanya. Akala ko kasi noon, kapatid kita. Yun kasi ang sabi nila. Upang makatakas sa anino ng “Ate” na iyon, sinuhulan mo ako ng sapatos, kendi, damit  at ng kung anu-ano. Alam na alam mo kasi na maluho ako noon pa man. Kapalit ng mga bagay na iyon, ay ang pangakong tatawagin kang “Mama”. Hindi agad ako sumang-ayon. Pero anong laban ng isang anim na taong gulang na bata sa temptasyon ng kendi at mga palamuti? Wala. Kaya pumayag ako.
         Lumipas ang panahon, nabuhay ako sa pangako ng pagtawag ng “Mama”. Hindi lang ‘yun, kasabay nito ang pangako sa aking sarili na mamahalin at tatanggapin ka sa kung ano pa man ang iyong nakaraan.
          Ang sarap. Nalunod ako sa paggamit ng katagang “Mama” dahil sa mga kapalit nitong pangako. “Mahal na mahal kita, Anak.” ; “Hindi na tayo magkakalayo pa uli, Nene.” ; “Pupunta tayo dito, doon.” Ang sarap sa pandinig. Parang They lived happily ever after ang drama.
         Pero tulad rin ng isang fairytale, masarap man sa pandinig, masakit pa ring tanggapin na ito ang bunga lamang ng imahinasyon, walang katotohanan.
         Ngayon, hindi na ako naniniwala sa kahit anong pangako mo. Hindi mo na ako makukuha sa tamis ng kendi o sa gara ng damit. Nasaan na ang pangako mo para sa akin? Para sa atin? Wala na akong lakas para paniwalaan ang mga sinasabi mo. Huwag kang mag-alala, para sa akin yun. Dahil ang para sa’yo, dito sa puso ko, ay hindi ang isang pangakong pinaniniwalaan kundi isang tiwala para sa taong minamahal.
         Wala na akong ikakasasaya pa kapag natupad mo ang mga pangako mo para sa sarili. Gawin mo yan para sa’yo. Matupad mo lang ang pangako mo sa sarili mo, para mo na ring tinupad ang pangako mong kaligayahan para sa akin.

No comments:

Post a Comment