Monday, November 29, 2010

Ina - Bangungot

         Kapaskuhan noon. Pumunta tayo sa mga ninong at ninang ng aking kapatid para kunin ang kanyang regalo.
           Maaga tayong umalis ng bahay. Ang kisig natin sa mga bagong damit na suot. Maganda ang panahon, hindi panira sa ating itsura. Napakasaya. Feeling ko prinsesa ako sa bestidang kulay pula at sapatos na kulay puti.
           Masayang hinarap ang mga pinuntahan. Napakaproud mo na namang Ina. Pinapakilala mo ang anak mo nang sobrang yabang. Pinapakilala mo ang anak mo, ang kapatid ko. Ako, nakaupo sa isang sulok, kumakain.
           Pumunta tayo sa huling Ninang ni Totoy. Natatandaan ko, doon tayo pinakanagtagal. At sinong makalilimot ng bahay na iyon? Kumakain tayo sa mesa, ako, ikaw, si totoy at ang kanyang ninang. Pinakilala mo uli ang iyong anak. Nagkwentuhan kayo, nagtawanan at kung anu-ano pa. Napakasaya niyo habang ako, pinipilit sumaya sa mga minatamis na nakahain sa mesa.
           Sa wakas, may naglakas ng loob. Tinanong ng Ninang ni totoy kung sino ako. Napatunghay ako at bahagyang ngumiti dahil sa wakas, may makakaalam na rin na anak mo rin ako. Nakatingin sa iyong mga labi, inantay ko itong sambitin ang mga katagang“Anak Ko” at eksayted akong lumundag sa tuwa.
           “Pamangkin ko”. Parang akong sinaksak ng matalim sa kutsilyo sa aking likuran. Sinaksak ako pero hindi hinayaang mamatay. Damang dama ko ang sakit. Gusto ko na lamang umuwi. Hindi ko matanggap kaya biglang lumabas sa aking bibig ang katagang“Mama” sa tonong nagmamakaawa at sa boses na nanginginig.
           “Bakit Mama ang tawag sa iyo?” buong pagtataka ng ninang. “Wala ka ng lusot” yan ang sabi ko sa aking isipan. Pero sadya atang ganoon kalaki ang pag-kaayaw mo sa akin. “Sa akin na kasi yan lumaki. Anak ng kapatid kong nasa abroad. Kaya Mama na ang tawag sa akin”.
           Para akong dinurog at inilibing nang buhay. Nagyaya na akong umuwi. Sabi ko, masakit ang tiyan ko. Pero gusto ko na lang talaga kumawala sa bangungot na binigay mo sa aking noong araw na yun.
           Pagdating sa bahay, tumakbo agad ako sa kwarto, umiyak ng umiyak ng umiyak. Tinawag na ako ng Inay upang kumain ng hapunan pero hindi ako tumugon. Umakyat siya upang ako’y tingnan at tinanong kung bakit ako umiiyak. Ayokong sabihin kasi alam kong magagalit siya sa’yo pero pinilit niya ako. Hindi niya ako iniwan. Umiyak lang ako hanggang sa ako’y ay makatulog.
           Paggising ko, andun pa rin ang sakit ng bangungot na pinaranas mo sa akin.

No comments:

Post a Comment