Sabik ako sa araw ng Linggo. Noong ako ay nasa unang baitang, Linggo ang pinakapaboritong araw ko. Aba, araw ata ito ng paggala para sa akin.
Tuwing Linggo, gawain na natin ang lumuwas upang sumamba kahit na sa totoo lang, wala naman akong pakelam sa pagsamba noon. Ang tanging gusto ko ay ang pagpunta natin sa SM Southmall at ang pamimili ng pagkain, laruan, damit at kung anu-ano pa. Yun talaga ang habol ko. Hindi naman mag-eenjoy ang isang pitong taong gulang na bata sa pagdarasal palagi hindi ba?
Ang pinakamasayang bahagi ng Linggo ko ay kapag umuuwi na tayo ng Lipa sa hapon. Ang kisig nating dalawa. Nakatingin lahat ng mga mata sa atin. Naaalala ko kung paano ako awayin ng aking mga kalaro kapalit ng mamahaling kending hawak ko. Naalala ko kung paano sila maging mabait upang mapahiram ng manikang bagong bili.
Ganyan ang Linggo natin sa loob ng isang taon. Matapos ang isang taon, ang Linggo ko ay unti-unting nagbago. Hindi na tayo sumisimba. Hindi na tayo pumupunta sa mall. At ang pinakamasakit, hindi na tayo magkasama sa Linggong dati’y ating atin. Sa linggong puno ng kasiyahan ng mag-ina. Naglaho na ang Linggo ng pagmamahalan.
Nalamang kong hindi naman pala nawala ang Linggo ng pagmamahalan. Naririyan pa rin. Yun nga lang, hindi na para sa akin ang araw na iyon. Hindi na sa akin ang Linggo mo. Napakasakit na sa isang iglap, ang tanging araw kung kalian ka nagiging masaya, ay mawawala pa. Napakasaklap na makitang hawak na ito ng iba.
Gusto kong maranasan muli ang ganoon araw. Ang ganoong pagmamahalan. Ang ganoong kasiyahan. Hangga’t may Linggo, hindi ako susuko na umasang magbabalik ka.
No comments:
Post a Comment