Bumalik ka noong unang bahagi ng taong 1996. Hindi ko na matandaan kung anong buwan, masyado pa akong bata. Tamang-tama ang pagdating mo, gagraduate ako sa kindergarten noon.
Ang laki ng paghanga ko sa’yo noong gabi iyon. Ang ganda mo sa iyong itim na palda at blusang puti. Samahan mo pa ng iyong pulang lipstick. Ang ganda ng Ate ko. Ang ganda ng Ina ko. Ang yabang ko. Ipinagmamalaki kita. Ipinagsisigawang para bang ako’y isang tagahanga ng isang napakasikat na artista.
Sabi nila, mana raw ako sa’yo, bibo, matapang, maganda at matalino. Ang yabang ko talaga. Isa ka kasi sa ipinagmamalaki ko.
Dumating na ang araw ng pagmartsa. Gusto ko, ang Inay (Lola) ang kasama kong umakyat ng entablado. Ayokong ikaw. Ipinagmamalaki kita, oo, pero ang sabi kasi ni “Ma’am” noon, magulang raw ang isama sa entablado. Sasabitan raw ako ng medalya at ribbon.
Nagtalo-talo pa tayo sa bahay noon. Sinusubukan niyong ipaliwanag sa akin na dapat ikaw ang kasama ko at hindi ang Inay. Malay ko ba. Susko, anim na taong gulang ako. Sige na. Pumayag ko. Ikaw na nga.
Maaga pa lamang, nasa eskwelahan na tayo. Lahat ata ng mga mata sa’yo nakatingin e ako itong mamartsa at makakatanggap ng medalya. Pulang bestida sa iyong napakseksing katawan, sintrong itim na malapad sa iyong napakaliit na bewang, pulang lipstick sa iyong mga labi at shades sa iyong napakagandang mukha, sinong hindi mapapatingin? Nawala ang lungkot ko. Nanumbalik ang kayabangan ko. Aba, parang trophy ata ang natanggap ko at hindi medalya.
Tinawag ang pangalan ko, sumunod ka paakyat ng entablado. Narinig ko ang mga tao kung paano ka nila pinag-uusapan. Araw mo ata iyon at hindi sa akin.
Hindi naman ako nagdamdam na inagawan mo ako sa pagiging bida dahil pakiramdam ko, sikat ako. Pakiramdam ko hindi lang medalya at ribbon ang binigay sa akin. May trophy pa itong kasama, napakaganda. Trophy na maipagmamalaki ko. Trophy na hindi lang pandisplay sa bahay kundi pampalamuti na rin ng puso. Masaya ako na sa entablado, ikaw ang kasama ko.
No comments:
Post a Comment