Monday, November 29, 2010

Ina - Ang Iyong Pamilya

             Ninakaw ka sa akin. Yan ang pakiramdam ko. Ikaw naman itong hindi ako inisip at nagpanakaw rin. Bata pa ako noon, nangangailangan ng kalinga, naghahanap ng atensyon mula sa magulang.
            Nakiusap ka sa akin na tawagin kang “Mama” at ituring kang ina. Pinagbigyan kita. Ngunit bakit parang biglang nagbago ang lahat. Bigla na lang may mga lalakeng dumadalaw sa’yo sa bahay. Nakiusap ka na naman. Ibalik ko ang pagtawag ng “Ate”. Ako naman itong malditang bata, lalong isinisigaw ang katagang “Mama” para lumayas sa pamamahay ang mga lalaking nais kang agawin sa akin. Ayoko ng may kaagaw noon sa atensyon mo.
            Alam mong babago pa lamang tayong nagkakakilala. Bakit mo hahayaang maagaw ka nila sa akin? Hindi ako papayag. Yan ang sabi ko sa sarili ko. Pero nabigo ako.
            Wala ka na sa bahay. Nasa ibang parte ka na ng Luzon. Dagat ang pagitan. Hindi na ako umasa. Alam kong hindi ka na babalik.
            Isang araw, dumating ka sa bahay. Wala akong kasing saya. Pagpasok mo ng bahay, may kasunod kang lalaki. Siya ang lalaking dumadalaw noon. Asawa mo na siya ngayon. Kasal na kayo. At tuluyan na ngang naudlot ang ating pagkilala sa isa’t isa. Masyado kang naging busy sa paglalambing sa asawa mo habang ako ay nanonood at ang mga mata ay namamalimos ng atensyon mo.
            Makalipas ang isang taon, tunay naman inaagaw ka ng tadhana sa akin. Hindi na lang asawa mo ang kaagaw ko. Isang batang lalaki ang isinilang. Ako noon ay siyam na taong gulang. Hindi ako kailanman nagalit sa kapatid ko, alam mo yun.  Wala siyang kasalanan.
            Masayang-masaya kayong tatlo. Umuuwi kang may pasalubong para sa kanila. Ipinagluluto mo sila. Kumakain kayo nang sabay-sabay. Ipinaglalaba mo sila ng mga damit. Ginigising sa umaga. Niyayayang gumala kung saan-saan. Ako, nasa isang sulok. Luha’y umaagos. Puso’y dinudurog ng aking mga nakikita. Ayoko na sana kayong tingnan pero gusto kong mamalimos. Umaasang sana mabibiyayaan niyo man lang ako ng atensyon. Sana kahit isang beses ay hindi na manlalaba ang maglaba ng damit ko, na sana hindi na ang Inay (Lola) ang magluto para sa akin, na sana ikaw naman ang mag-init ng tubig na ipanliligo ko sa madaling araw.
            Napakasaya niyong pamilya, sana man lang isinama niyo ako. Iniwan niyo akong nag-iisa. Luhaan at duguan.

No comments:

Post a Comment