Bawat tao may hinihiling sa buhay -mabaw man o malalim, lantad man o hindi.
Ako? Marami akong ipinagdarasal. Marami para sa isang bagay lang, ang kaligayahan.
Pero bakit ganun? Parang ang hirap hirap makamtan. Minsan, nararamdaman kong wala na akong saysay. Nawala ang isang taong pinakapinahahalagahan ko sa buhay na ito at mula noon, para bang hindi ko na alam kung sino pang nagpapahalaga sa akin o kung mayroon pa bang tunay na nagmamahal.
Sobrang hirap at sakit na sa gitna ng kamunduhang ito, sa dinami-rami na tao, pakiramdam mo mag-isa ka. Nawalan ng saysay ang bawat ginagawa mo.
Ang hirap maglakbay mag-isa. Nasasaktan ka pero hindi mo malaman kung saan nanggagaling ang sakit. Gusto mong umiyak pero walang luhang pumapatak.
Ngayon, ang hinihiling ko lang ay makita ko uli ang sarili ko sa mga bisig niya. Sana bata na lang ako uli. Hiling ko na makaramdam uli ng yakap, yakap na may tunay na pagmamahal.
Hindi naman ako matapang. Pero wala na akong magawa dahil wala akong pagpipilian kundi ang lumaban.
Hiling ko na sana matagpuan ko o malaman ko (kung natagpuan ko na) ang mga taong tunay na tanggap ako sa kung ano ako at kung ano pa pwede akong maging.
Marami pa akong mga hiling pero lahat ng ito ay upang makilala ko uli ang Hazel na noon, hindi forever alone.
No comments:
Post a Comment