Malapit na ngang matapos ang aking pananatali sa elementarya. Matatapos na parang may isang bagyo lang na dumaan sa aking pagkatao. Humagupit at nanalanta ng mga pangarap.
Ikalima ng Abril taong 2002, sinong makalilimot sa araw na ito? Isa sa pinakamahalagang araw sa buhay ng isang batang babae o sa pagkakataong ito, dalaga. Gumising ako ng maaga. Wala akong muwang sa mundo at tinawag ang Inay para sabihing patingnan ako sa doctor at baka may impeksyon ako o kung anuman. Mali pala, dalaga na pala ako.
Natatandaan ko pa kung paano ako umiyak dahil hindi ko alam ang gagawain ko. Napakarami kong tanong: Bakit ganito? Bakit ganoon? Maghapon nila akong tinawanan sa bahay at tinukso ako. Pwede na raw akong magboypren pero siyempre, biro lang nila yun.
Hindi ko malilimutan ang araw na iyon pero hindi ko maalala kung nasaan ka sa isang napakahalagang araw ng isang anak na babae. Hindi ko maisip kung anong ginagawa mo noon o kung nasa bahay ka ba.
Kinabukasan, araw na ng pagtatapos sa elementarya. Naroon ka. Naroon ka para magsabit ng medalya. Bago tayo umakyat ng entablado, tinanong kita, “Ma, meron bang tagos?”, tinawanan mo lang ako.
Pagdating sa bahay napansin mo ngang may mantsa sa aking palda. Ang sabi mo“Aba, dalaga na ang anak ko! Dalaga ka na! Yan ang premyo mo dahil matalino ka!” Walang dating sa akin. Ang sagot ko lang “Kahapon pa.”
Umakyat na lamang ako sa kwarto, umiyak. Ang pakiramdam noong araw na yun, hindi ko mawari. Anong koneksyon ng aking pagdadalaga sa katalinuhan ko? Sinabi mo lang yun para mapuri ka ng mga tao na may anak kang magaling.
Naisip ko, kung hindi ba ako kabilang sa honor roll, mapansin mo pa kaya ang aking pagdadalaga? Ni hindi mo man lang tinanong kung kalian at kung anong naramdaman ko noong araw na ang anak mo ay hindi na bata. Nagdalaga ako na parang walang ina na natuwa.
Wala ka sa tuwing may PTA meetings. Wala ka sa mga laban ko sa Mathematics. Wala ka sa laban ko ng volleyball. Wala ka sa tuwing kailangan ko ng ina na tutulong sa aking mga takdang-aralin. Wala ka nung nagdalaga ako. Kasama lang naman kita sa bahay araw-araw pero nasaan ka?
No comments:
Post a Comment