Monday, November 29, 2010

Ina - High School

        Tuluyan ko na ngang nilisan ang mundo ng kabataan. Ang mundo kung saan para sa akin, ang pag-aaral at pagpasok sa eskwelahan ay panakip butas lamang sa kagustuhan kong maglaro.
           Nagdaan ako sa tatlong madudugong pagsusulit para makapasok sa isang Science High School. Bukod sa kagustuhan ko ito, ikaw ang pumilit sa akin na mag-apply para may madagdag na naman sa ipagmamayabang mo. Hindi para sa akin kundi para sa iyo.
           Maaga akong pumupunta sa mataasan na paaralang iyon sa tuwing kukuha ng pagsusulit. Andaming estudyante mula sa iba’t ibang paaralan. Mga valedictorian pa ang karamihan. Ang ingay ng paligid. May mga nagkukwentuhang mga estudyante at nagtsitsismisang mga magulang. Ako? Nasa isang tabi, nakaupo, mag-isa. Nasaan ka? Dinala mo ako sa laban na ito pero iniwan mo ako sa panahon ng pakikidigma.
           Interview na ang huling hakbang para makapasok. Kabado ako, sobra. Hindi ko alam ang gagawin. Nanginginig ako. Namamawis ang aking mga kamay sa kaba. Wala akong pinag-applyang ibang paaralan kaya kailangang makuha ako. Nangingilid ang luha ko sa sobrang takot at pangamba. Pero yung iba, mga nakangiti, nakikipagkwentuhan kasama ng mga magulang nila. Muli, nasaan ka?
           Natanggap ako! Masaya ako. Masaya ka ba? Hindi ko alam. Hindi ko alam kung nasaan ka na naman.
           Bago ang pasukan, may pagpupulong na ginanap para sa mga magulang at estudyante. Maganda ang usapan natin noong gabi bago ang araw nay un. Pupunta ka. Nawala ang hinanakit ko sa mga pagkakataong wala ka noong mga araw na kinakabahan ako. Masaya na ako kasi sa wakas, makakapunta ka.
           Sumikat na nga ang araw at sabay tayong pumunta sa paaralan. Lahat sila naroon. Umupo tayo. Ang tagal magsimula. Nakaramdam ako ng pag-ihi at pumunta sa banyo. Bumalik ako sa silid. Binalot ng galit ang pagkatao ko. Ikinulong ako ng hiya. Nasaan ka? INIWAN MO AKO!
           Umuwi na lamang ako at gaya ng palagi mong binibigay sa akin, luha ang dumaloy sa maghapon hanggang sa ako ay makatulog na naman.
           Hindi mo ako kailangang paasahin. Sinabi mo na lamang sana ang totoo. Lagi mo itong ginagawa sa akin. Ang mangako, paasahin ako at iwanan sa ere. Masakit. Naawa ako sa sarili ko. Sana naawa ka rin sa akin. Sana naawa ka sa anak mo.

Ina - Bangungot

         Kapaskuhan noon. Pumunta tayo sa mga ninong at ninang ng aking kapatid para kunin ang kanyang regalo.
           Maaga tayong umalis ng bahay. Ang kisig natin sa mga bagong damit na suot. Maganda ang panahon, hindi panira sa ating itsura. Napakasaya. Feeling ko prinsesa ako sa bestidang kulay pula at sapatos na kulay puti.
           Masayang hinarap ang mga pinuntahan. Napakaproud mo na namang Ina. Pinapakilala mo ang anak mo nang sobrang yabang. Pinapakilala mo ang anak mo, ang kapatid ko. Ako, nakaupo sa isang sulok, kumakain.
           Pumunta tayo sa huling Ninang ni Totoy. Natatandaan ko, doon tayo pinakanagtagal. At sinong makalilimot ng bahay na iyon? Kumakain tayo sa mesa, ako, ikaw, si totoy at ang kanyang ninang. Pinakilala mo uli ang iyong anak. Nagkwentuhan kayo, nagtawanan at kung anu-ano pa. Napakasaya niyo habang ako, pinipilit sumaya sa mga minatamis na nakahain sa mesa.
           Sa wakas, may naglakas ng loob. Tinanong ng Ninang ni totoy kung sino ako. Napatunghay ako at bahagyang ngumiti dahil sa wakas, may makakaalam na rin na anak mo rin ako. Nakatingin sa iyong mga labi, inantay ko itong sambitin ang mga katagang“Anak Ko” at eksayted akong lumundag sa tuwa.
           “Pamangkin ko”. Parang akong sinaksak ng matalim sa kutsilyo sa aking likuran. Sinaksak ako pero hindi hinayaang mamatay. Damang dama ko ang sakit. Gusto ko na lamang umuwi. Hindi ko matanggap kaya biglang lumabas sa aking bibig ang katagang“Mama” sa tonong nagmamakaawa at sa boses na nanginginig.
           “Bakit Mama ang tawag sa iyo?” buong pagtataka ng ninang. “Wala ka ng lusot” yan ang sabi ko sa aking isipan. Pero sadya atang ganoon kalaki ang pag-kaayaw mo sa akin. “Sa akin na kasi yan lumaki. Anak ng kapatid kong nasa abroad. Kaya Mama na ang tawag sa akin”.
           Para akong dinurog at inilibing nang buhay. Nagyaya na akong umuwi. Sabi ko, masakit ang tiyan ko. Pero gusto ko na lang talaga kumawala sa bangungot na binigay mo sa aking noong araw na yun.
           Pagdating sa bahay, tumakbo agad ako sa kwarto, umiyak ng umiyak ng umiyak. Tinawag na ako ng Inay upang kumain ng hapunan pero hindi ako tumugon. Umakyat siya upang ako’y tingnan at tinanong kung bakit ako umiiyak. Ayokong sabihin kasi alam kong magagalit siya sa’yo pero pinilit niya ako. Hindi niya ako iniwan. Umiyak lang ako hanggang sa ako’y ay makatulog.
           Paggising ko, andun pa rin ang sakit ng bangungot na pinaranas mo sa akin.

Ina - Ang Aking Pagdadalaga

         Malapit na ngang matapos ang aking pananatali sa elementarya. Matatapos na parang may isang bagyo lang na dumaan sa aking pagkatao. Humagupit at nanalanta ng mga pangarap.
           Ikalima ng Abril taong 2002, sinong makalilimot sa araw na ito? Isa sa pinakamahalagang araw sa buhay ng isang batang babae o sa pagkakataong ito, dalaga. Gumising ako ng maaga. Wala akong muwang sa mundo at tinawag ang Inay para sabihing patingnan ako sa doctor at baka may impeksyon ako o kung anuman. Mali pala, dalaga na pala ako.
           Natatandaan ko pa kung paano ako umiyak dahil hindi ko alam ang gagawain ko. Napakarami kong tanong: Bakit ganito? Bakit ganoon? Maghapon nila akong tinawanan sa bahay at tinukso ako. Pwede na raw akong magboypren pero siyempre, biro lang nila yun.
           Hindi ko malilimutan ang araw na iyon pero hindi ko maalala kung nasaan ka sa isang napakahalagang araw ng isang anak na babae. Hindi ko maisip kung anong ginagawa mo noon o kung nasa bahay ka ba.
                Kinabukasan, araw na ng pagtatapos sa elementarya. Naroon ka. Naroon ka para magsabit ng medalya. Bago tayo  umakyat ng entablado, tinanong kita, “Ma, meron bang tagos?”, tinawanan mo lang ako.
           Pagdating sa bahay napansin mo ngang may mantsa sa aking palda. Ang sabi mo“Aba, dalaga na ang anak ko! Dalaga ka na! Yan ang premyo mo dahil matalino ka!” Walang dating sa akin. Ang sagot ko lang “Kahapon pa.”
           Umakyat na lamang ako sa kwarto, umiyak. Ang pakiramdam noong araw na yun, hindi ko mawari. Anong koneksyon ng aking pagdadalaga sa katalinuhan ko? Sinabi mo lang yun para mapuri ka ng mga tao na may anak kang magaling.
           Naisip ko, kung hindi ba ako kabilang sa honor roll, mapansin mo pa kaya ang aking pagdadalaga? Ni hindi mo man lang tinanong kung kalian at kung anong naramdaman ko noong araw na ang anak mo ay hindi na bata. Nagdalaga ako na parang walang ina na natuwa.
           Wala ka sa tuwing may PTA meetings. Wala ka sa mga laban ko sa Mathematics. Wala ka sa laban ko ng volleyball. Wala ka sa tuwing kailangan ko ng ina na tutulong sa aking mga takdang-aralin. Wala ka nung nagdalaga ako. Kasama lang naman kita sa bahay araw-araw pero nasaan ka?

Ina - Linggo

       Sabik ako sa araw ng Linggo. Noong ako ay nasa unang baitang, Linggo ang pinakapaboritong araw ko. Aba, araw ata ito ng paggala para sa akin.
        Tuwing Linggo, gawain na natin ang lumuwas upang sumamba kahit na sa totoo lang, wala naman akong pakelam sa pagsamba noon. Ang tanging gusto ko ay ang pagpunta natin sa SM Southmall at ang pamimili ng pagkain, laruan, damit at kung anu-ano pa. Yun talaga ang habol ko. Hindi naman mag-eenjoy ang isang pitong taong gulang na bata sa pagdarasal palagi hindi ba?
        Ang pinakamasayang bahagi ng Linggo ko ay kapag umuuwi na tayo ng Lipa sa hapon. Ang kisig nating dalawa. Nakatingin lahat ng mga mata sa atin. Naaalala ko kung paano ako awayin ng aking mga kalaro kapalit ng mamahaling kending hawak ko. Naalala ko kung paano sila maging mabait upang mapahiram ng manikang bagong bili.
        Ganyan ang Linggo natin sa loob ng isang taon. Matapos ang isang taon, ang Linggo ko ay unti-unting nagbago. Hindi na tayo sumisimba. Hindi na tayo pumupunta sa mall. At ang pinakamasakit, hindi na tayo magkasama sa Linggong dati’y ating atin. Sa linggong puno ng kasiyahan ng mag-ina. Naglaho na ang Linggo ng pagmamahalan.
        Nalamang kong hindi naman pala nawala ang Linggo ng pagmamahalan. Naririyan pa rin. Yun nga lang, hindi na para sa akin ang araw na iyon. Hindi na sa akin ang Linggo mo. Napakasakit na sa isang iglap, ang tanging araw kung kalian ka nagiging masaya,  ay mawawala pa. Napakasaklap na makitang hawak na ito ng iba.
        Gusto kong maranasan muli ang ganoon araw. Ang ganoong pagmamahalan. Ang ganoong kasiyahan. Hangga’t may Linggo, hindi ako susuko na umasang magbabalik ka.

Ina - Medalya

        Tinanggap kita. Binigyan ng pagkakataon kahit ako ay muli mong ipinagpalit. Tinanggap ko ang buhay kasama ang iyong asawa at isa pang anak. Namuhay tayo ng normal. Ikaw, asawa mo at anak niyo. At ako at ang Inay (Lola). Yan ang normal sa atin.
         Nasanay na akong pumasok sa paaralan nang mag-isa total naman ay isang tambling lamang ito mula sa ating tirahan. Nasanay na akong walang naghihintay na sundo sa akin sa labas ng silid-aralan. Nakasanayan ko na ring walang dadalo sa tuwing magpapatawag ng PTA meeting si Ma’am. Madaling tanggapin ang lahat kapag nakasanayan mo na. Wala na ang sakit.
         Bata pa lamang ako noon. Anong inaasahan mo? Magbigti ako? Masaya na akong maglaro ng holen, teks, paper dolls at kung anu-ano pa. Sanay na ako.
         Pero bakit tila nag-iiba ang ihip ng hangin sa tuwing matatapos ang taon ng pasukan? Bigla kang lumilitaw. ‘Proud’ ka kamo sa akin. Nagpiprisinta ka na umakyat sa entablado sa tuwing sasabitan ako ng medalya. Pinagtatalunan natin yan. Ayokong ikaw. Gusto ko, ang inay. Alam ng lahat na mas mahal ko siya kaysa sa’yo. Naririyan siya palagi, may medalya mang isasabit sa akin o wala.
         Gayunpaman, pumayag na rin ako. Wala na akong magagawa. Aakyat na naman tayong dalawa sa entablado. Ang ngiti mo ay banat na banat. Ipinagsisigawan mong anak mo ako. Ang mga tao, walang kaalam-alam, nakikisakay lamang.
        Hindi maipinta ang aking mukha. Dahil ang sa loob ko, humihiling ako na sana ipagsigawan mo rin na anak mo ako kahit walang medalyang nakasabit sa leeg ko.

Ina - Entablado

        Bumalik ka noong unang bahagi ng taong 1996. Hindi ko na matandaan kung anong buwan, masyado pa akong bata. Tamang-tama ang pagdating mo, gagraduate ako sa kindergarten noon.
           Ang laki ng paghanga ko sa’yo noong gabi iyon. Ang ganda mo sa iyong itim na palda at blusang puti. Samahan mo pa ng iyong pulang lipstick. Ang ganda ng Ate ko. Ang ganda ng Ina ko. Ang yabang ko. Ipinagmamalaki kita. Ipinagsisigawang para bang ako’y isang tagahanga ng isang napakasikat na artista.
          Sabi nila, mana raw ako sa’yo, bibo, matapang, maganda at matalino. Ang yabang ko talaga. Isa ka kasi sa ipinagmamalaki ko.
          Dumating na ang araw ng pagmartsa. Gusto ko, ang Inay (Lola) ang kasama kong umakyat ng entablado. Ayokong ikaw. Ipinagmamalaki kita, oo, pero ang sabi kasi ni “Ma’am” noon, magulang raw ang isama sa entablado. Sasabitan raw ako ng medalya at ribbon.
          Nagtalo-talo pa tayo sa bahay noon. Sinusubukan niyong ipaliwanag sa akin na dapat ikaw ang kasama ko at hindi ang Inay. Malay ko ba. Susko, anim na taong gulang ako. Sige na. Pumayag ko. Ikaw na nga.
          Maaga pa lamang, nasa eskwelahan na tayo. Lahat ata ng mga mata sa’yo nakatingin e ako itong mamartsa at makakatanggap ng medalya. Pulang bestida sa iyong napakseksing katawan, sintrong itim na malapad sa iyong napakaliit na bewang,  pulang lipstick sa iyong mga labi at shades sa iyong napakagandang mukha, sinong hindi mapapatingin? Nawala ang lungkot ko. Nanumbalik ang kayabangan ko. Aba, parang trophy ata ang natanggap ko at hindi medalya.
         Tinawag ang pangalan ko, sumunod ka paakyat ng entablado. Narinig ko ang mga tao kung paano ka nila pinag-uusapan. Araw mo ata iyon at hindi sa akin.
        Hindi naman ako nagdamdam na inagawan mo ako sa pagiging bida dahil pakiramdam ko, sikat ako. Pakiramdam ko hindi lang medalya at ribbon ang binigay sa akin. May trophy pa itong kasama, napakaganda. Trophy na maipagmamalaki ko. Trophy na hindi lang pandisplay sa bahay kundi pampalamuti na rin ng puso. Masaya ako na sa entablado, ikaw ang kasama ko.

Ina - Ang Iyong Pamilya

             Ninakaw ka sa akin. Yan ang pakiramdam ko. Ikaw naman itong hindi ako inisip at nagpanakaw rin. Bata pa ako noon, nangangailangan ng kalinga, naghahanap ng atensyon mula sa magulang.
            Nakiusap ka sa akin na tawagin kang “Mama” at ituring kang ina. Pinagbigyan kita. Ngunit bakit parang biglang nagbago ang lahat. Bigla na lang may mga lalakeng dumadalaw sa’yo sa bahay. Nakiusap ka na naman. Ibalik ko ang pagtawag ng “Ate”. Ako naman itong malditang bata, lalong isinisigaw ang katagang “Mama” para lumayas sa pamamahay ang mga lalaking nais kang agawin sa akin. Ayoko ng may kaagaw noon sa atensyon mo.
            Alam mong babago pa lamang tayong nagkakakilala. Bakit mo hahayaang maagaw ka nila sa akin? Hindi ako papayag. Yan ang sabi ko sa sarili ko. Pero nabigo ako.
            Wala ka na sa bahay. Nasa ibang parte ka na ng Luzon. Dagat ang pagitan. Hindi na ako umasa. Alam kong hindi ka na babalik.
            Isang araw, dumating ka sa bahay. Wala akong kasing saya. Pagpasok mo ng bahay, may kasunod kang lalaki. Siya ang lalaking dumadalaw noon. Asawa mo na siya ngayon. Kasal na kayo. At tuluyan na ngang naudlot ang ating pagkilala sa isa’t isa. Masyado kang naging busy sa paglalambing sa asawa mo habang ako ay nanonood at ang mga mata ay namamalimos ng atensyon mo.
            Makalipas ang isang taon, tunay naman inaagaw ka ng tadhana sa akin. Hindi na lang asawa mo ang kaagaw ko. Isang batang lalaki ang isinilang. Ako noon ay siyam na taong gulang. Hindi ako kailanman nagalit sa kapatid ko, alam mo yun.  Wala siyang kasalanan.
            Masayang-masaya kayong tatlo. Umuuwi kang may pasalubong para sa kanila. Ipinagluluto mo sila. Kumakain kayo nang sabay-sabay. Ipinaglalaba mo sila ng mga damit. Ginigising sa umaga. Niyayayang gumala kung saan-saan. Ako, nasa isang sulok. Luha’y umaagos. Puso’y dinudurog ng aking mga nakikita. Ayoko na sana kayong tingnan pero gusto kong mamalimos. Umaasang sana mabibiyayaan niyo man lang ako ng atensyon. Sana kahit isang beses ay hindi na manlalaba ang maglaba ng damit ko, na sana hindi na ang Inay (Lola) ang magluto para sa akin, na sana ikaw naman ang mag-init ng tubig na ipanliligo ko sa madaling araw.
            Napakasaya niyong pamilya, sana man lang isinama niyo ako. Iniwan niyo akong nag-iisa. Luhaan at duguan.

Ina - Nasaan ang Pangko mo?

           Apat na taon ako nang magkaroon ng malay, nang matandaan kong kasama kita – tumatawa at nagkukulitan sa likod ng mga bakal na rehas.
         Matapos ang dalawang taon, gabi, habang kami ay nagkukwentuhan sa may bakuran, bumaba ka mula sa tricycle. Hindi ko pa alam na ikaw ang aking Ina noon. Ate pa ang tawag ko sa’yo.
         Marahil nga ay masama sa pakiramdam ng isang Ina ang hindi makilala ng isang anak. At ayaw ng isang ina na “Ate” ang tawag sa kanya. Akala ko kasi noon, kapatid kita. Yun kasi ang sabi nila. Upang makatakas sa anino ng “Ate” na iyon, sinuhulan mo ako ng sapatos, kendi, damit  at ng kung anu-ano. Alam na alam mo kasi na maluho ako noon pa man. Kapalit ng mga bagay na iyon, ay ang pangakong tatawagin kang “Mama”. Hindi agad ako sumang-ayon. Pero anong laban ng isang anim na taong gulang na bata sa temptasyon ng kendi at mga palamuti? Wala. Kaya pumayag ako.
         Lumipas ang panahon, nabuhay ako sa pangako ng pagtawag ng “Mama”. Hindi lang ‘yun, kasabay nito ang pangako sa aking sarili na mamahalin at tatanggapin ka sa kung ano pa man ang iyong nakaraan.
          Ang sarap. Nalunod ako sa paggamit ng katagang “Mama” dahil sa mga kapalit nitong pangako. “Mahal na mahal kita, Anak.” ; “Hindi na tayo magkakalayo pa uli, Nene.” ; “Pupunta tayo dito, doon.” Ang sarap sa pandinig. Parang They lived happily ever after ang drama.
         Pero tulad rin ng isang fairytale, masarap man sa pandinig, masakit pa ring tanggapin na ito ang bunga lamang ng imahinasyon, walang katotohanan.
         Ngayon, hindi na ako naniniwala sa kahit anong pangako mo. Hindi mo na ako makukuha sa tamis ng kendi o sa gara ng damit. Nasaan na ang pangako mo para sa akin? Para sa atin? Wala na akong lakas para paniwalaan ang mga sinasabi mo. Huwag kang mag-alala, para sa akin yun. Dahil ang para sa’yo, dito sa puso ko, ay hindi ang isang pangakong pinaniniwalaan kundi isang tiwala para sa taong minamahal.
         Wala na akong ikakasasaya pa kapag natupad mo ang mga pangako mo para sa sarili. Gawin mo yan para sa’yo. Matupad mo lang ang pangako mo sa sarili mo, para mo na ring tinupad ang pangako mong kaligayahan para sa akin.

Ina - Mahal Pa Rin Kita

          Iniwan mo ay marka. Marka ng hinagpis at kalungkutan. Umasa na baka kahit isang segundo ay mapansin mo na andito ako, namamalimos sa pag-ibig mo. Kasalanan ko bang hindi kita nakilala agad? Kasalanan ko bang iniwan mo ako? 
        Ngayon, galit ka, dahil sabi mo, hindi ko masuklian ang pag-ibig na binigay mo sa akin. Nasaan ang pag-ibig? Hindi ko maramdaman. Anlayo mo. Dagat ang pagitan. Iniwan mo akong luhaan at duguan. iniwan mong may kutsilyong nakasaksak sa aking dibdib.
        Minahal kita. Anong nangyari? nagmahal ka ng iba hanggang magbunga ito. Muli, iniwan mo ako. Luhaan at duguan. Huwag mo sanang isipin na hindi ko binuksan ang aking puso sa’yo dahil kailanman, hinding hindi ko ito sinara magpahanggang ngayon.
        Isang beses sa isang taon, isa, ang isang yun, masaya na ako. Isang beses na makita ka, lumulundag ang puso ko. Sabi ko, ni hindi ka kakausapin, ni hindi ka papansinin pero tunay ngang mahirap lokohin ang damdamin. Makita lang kita, nawawala ang galit ko, yakap lang ang laging binibigay ko sa’yo.
        Galit ako dahil iniwan mo ako. Galit ako dahil hindi mo pinadama sa akin na mahal mo ako. Pero ikaw lang din ang nag-aalis ng galit na yun.
        Mahal pa rin kita.

Dear Future Manliligaw,

          Hindi naman ako naniniwala sa panliligaw e. Kasi feeling ko, pakitang tao lang yun. Pero gusto kong maramdaman ang feeling na may makakaalala sa akin palagi at ipaparamdam sa akin kung gaano ako kaganda.
         Mahilig ako sa chocolates pero sobrang masaya na ako sa pipisuhing kendi nang may kasamang kisap sa mga mata mo habang inaabot sa akin. Bulaklak? Hindi ko pa nararanasang mabigyan ng bulaklak ng isang lalaking nanliligaw kaya puntos yun kapag binigyan mo ako. Hindi naman kailangang mamahalin. Kahit santan lang, masaya na ako. Ayokong kumain sa mamahaling restoran, gusto ko, sasamahan mo akong kumain ng paborito kong isaw sa kanto, iinom ng palamig at didighay tayo ng malakas.
        Gusto ko, ipakita mo sa akin kung sino ka talaga. Dahil binabalaan kita, moody ako, isip bata at may pagkamababaw na tao. 
        Hindi pa ako naliligawan o nasusuyo. Sana sa oras na dumating ka, iparamdam mo sa akin ang saya ng babaeng minamahal at may naghihintay sa aking pagmamahal.
        Hindi naman ako magpapaliguy-ligoy pa kung gusto rin kita. :)

Umaasa sa Kaligayahan

Hindi ako santa. Hindi rin ako taong malinis as in konting kasalanan lang ang nagagawa sa buhay. Sa katunayan, marami akong kasalanan sa lahat ng larangan. Hindi ko nagamit ang utak ko nang maayos kaya siguro ganito, kung ginamit ko man, siguro sa hindi kaaya-ayang paraan.
          Pero totoo, prone ako sa temptations. Mahirap kayang umiwas? Try mo! Mas mahirap kapag, kapag alam mong mapapasaya ka nito. Di ba? How could it be wrong if it feels so right?
         Torn.
         Naiisip ko kalimitan ang kasiyahan. Mali ba? Mali bang maghangad na sumaya? Kung mali ako, fine. Ako na ang mali. Ang gusto ko lang naman, sumaya. Ikaw ba hindi?
         Pinili kita dahil sa pag-aakalang sasaya ako. Pinili ko ang mga bagay na pinili ko hindi lang dahil sa yun ang tama kundi yun ang sa tingin ko ay magpapasaya sa akin o may maituturo sa akin.
          Sa mga bagay na pinipili ko, hindi naman puro saya. Sa katunayan, sang katerbang saya at hinagpis ang pinagdaraanan ko para lang makuha ang kaligayang inaakala kong mapapasaakin.
          Masakit. Mahirap. Mali ako. Pero hanggang ngayon, naghihintay pa rin ako sa SANA ay kaligayahang idudulot ito. Nasaan na? Sobra na akong nasasaktan. Masyado na akong umaasa.
          Tanga ako di ba? Pero ayokong tumigil dahil lang sa tagal.
         The time I am spending for this feeling for you must be spent in working out to feel the same for another but I can’t. Wtf.
         Dumating na rin naman ako sa point na sinabi ko sa sarili ko na “TAMA NA! MAPAGOD KA NAMAN!”
         I JUST CAN’T. So please tell me if I am wrong and if I have to stop.
        Kasi sa lahat ng kasalanan ko, ikaw ang pinakanagdulot sa akin ng saya.
Do you know this feeling? When you feel that there’s something wrong but you don’t know what. That you know you’re sad but you can’t figure out why. There’s something missing. You feel sad that you just want to cry that sadness out. You feel empty and yet, you don’t know what’s missing. 
Dear Antok,
         Kung kailan kailangan kita, wala ka. Kapag naman ayoko sa’yo at pinagtatabuyan kita, napakaepal mo. Pinapahirapan mo ako. Alam mo bang kapag wala ka e kung anu-anong naiisip ko? Kung anu-anong tumatakbo sa utak ko. Nanghihina ako kapag wala ka. Hinahanap kita, nasaan ka? Huwag mo naman ako hayaang magdusa sa paglisan mo.
        Kailangan kita. Samahan mo ako kahit ngayong gabi lang. Maawa ka naman sa akin. Huwag mo na akong pahirapan. Alam mo at alam ko rin na babalik ka. Huwag ka nang mag-inarte. Ngayon na! Hindi kita tatanggihan. Bumalik ka na.
Naiinis sa’yo,
Hazel 

Fear

“…and i dont want the world to see me.. coz i dont think that they’d understand..”
          Yup. Other people may seem to know us but I believe that each of us has hidden desires - hidden identity indeed. We are afraid to show the world who we really are. We may shout out that what we are doing is who we really are. Maybe yes, but not the complete us. Of course, we have our privacies for ourselves, too, right? I think it isn’t wrong to do it so especially if that what makes us fine. Though sometimes, we aren’t showing who we really are because we are afraid to be misunderstood. Again, that’s also fine in a way. Who are not afraid to be rejected and misunderstood? Countable. hmmm.. There are times when we, people, just choose to hide our true selves. There are times when we rather hide our feelings than to be hurt. We rather let ourselves lost in a place than to be lost in nowhere.
Sa isang kaloobang pinaghihirap ng pagsisisi at kasawian, sa isang gunitang pinagdurugo ng masaklap na alaala at pagdurusa, sa isang pusong binabalot ng pangamba at kalungkutan, wala na nga atang nalalabi pang lunas kundi ang paglimot.
Paglimot, bakit napakailap mo sa mga tao?
Ayaw mo bang gamutin ang nagdurugo naming puso?
Bakit ayaw mong pasukin ang aming isipan?
Nang ang bawat pangamba  ay mapunta na lamang sa kalawakan?
Lapitan mo kami, Paglimot.
Hayaang sa piling mo, kami’y matulog.
Huwag mong hayaang malunod kami sa mga luha.
Huwag mong pahintulutang patayin kami ng mga alaala.
Sunugin mo ang aming pagkakamaling hindi malimutan.
Itapon mo na ang mga pangarap na hindi nakamtam.
Budburan mo ang asukal ang bawat pait.
Hilumin mo ang mga sugat na nagbibigay sakit.
Kailangan ka ng karamihan, Paglimot.
Bakit ba napakahirap mong maabot?
Ako, siya o maging ikaw, ayaw maging sawi.
Kaya Paglimot, pakiusap, tulungan mo kami.
Tanging hiling ng taong pinagkaitan ni Paglimot
Masayahin kang tao. Palatawa. Nakangiti palagi. Positive ang aura mo. Kung tumawa, parang wala na atang bukas. Kung makapagbitiw ng biro daig pa ang clown. Ganyan ka kapag kasama mo ang mga kaibigan mo o ang kahit na sinong tao.
         Pag-uwi mo, kapag mag-isa ka na lang uli. Ganyan ka pa rin ba? Masaya? Hindi ba’t napakaraming tumatakbo sa isip mo? Lahat na lang naisip mo. ni sarili mo hindi mo na mapangiti. Bigla kang babalutin ng kalungkutan. Bigla mo na lang maiisip na mag-isa ka pa rin. Na napakalungkot ng buhay mo.
         Napakadaming pagmumuni-muni ang iyong ginagawa at nagbabakasakaling makapulot ng dahilan para maipaliwanang ang nararamdaman. Masakit tanggapin hindi ba? Hindi naman sa niloloko mo ang mundo sa iyong kasiyahan. Iba lang talaga ang pakiramdam kapag mag-isa.
        Bago matapos ang araw, babalutin at yayakapin ka pa rin ng realidad. Hindi ka pa rin masaya. Malungkot tanggapin na malungkot ka.
Ang sarap matulog. Yun na lang kasi, sa aking palagay, ang tanging eskapo ko sa mundong ito. Sa panaginip, ikaw ang bida, ang masaya, ang panalo. Hindi man yan palagian, pero malimit ganan. Minsan mas okay pa nga pag walang panaginip para pakiramdam mo, nawala talaga lahat ng iniisip mo. Isa yan sa paborito kong gawin, ang matulog. Ang tanging masarap na kweba na pwede kong  pagtaguan. Masarap managinip. Maganda man o bangungot, malayo pa rin sa mundong pilit mong tinatakbuhan. Pero pagmulat ng mata mo, wala ka nang maggagawa kundi makipaghabulan kay tadhana.
Dear You,
          Hindi kita mahal. Oo, uunahin ko na yan. Uulitin ko pala, hindi PA kita mahal. Pero masaya ako. Ikaw lang ang nakapagpakilig sa akin ng ganito sa mundong ganito. Hindi pa tayo nagkikita ng harapan pero masaya akong natagpuan ka sa mundong “ito”.
          Nais kong malaman mo na miss na kita. Namimiss ko ang panahong pinapakilig natin ang isa’t isa. Na para bang walang alam ang mundo sa ngiting binibigay mo sa akin. Miss ko na ang panahong tayo - yung nagkakaintindihan tayo.
          Nasaan na ba yun ngayon? Bakit ka biglang nanlamig? Miss na kita. Pwede bang bumalik na lang tayo sa dati? Hindi tayo. Hindi kita mahal. hindi mo ako mahal. Pero masaya. Hindi naman tayo nagmammadali di ba? Nakahanap ka na ba ng iba? Masyado kasing maraming maganda sa mundong “ito” e. At hindi naman ako maganda. Siguro mas pinapakilig ka nila. Patawad kung hindi ko yun magawa sa iyo. hindi kasi ako naniniwala na pwedeng may mabuong pag-ibig sa mundong “ito”. Pero pinatunayan mo na posible pa lang kiligin sa ganitong sitwasyon. Salamat.
          Isa ang tanging hiling ko para sa ating dalawa. Sana bumalik na tayo sa dati. miss ko na ang mga panahong iyon. Huwag mo naman akong dedmahin ngayon. Hindi ka na rin kasi stranger sa akin - yun ang nararamdaman ko. Please, bumalik ka na. Punuuin mo uli ang aking kahon ng matatamis mong mensahe. Bumalik ka na.
Umaasang magbabalik ka,
Me

Dilim

  Ngayo’y ako ay yapak. Naglalakad sa madilim at mabatong lugar. Pero ayos lang. Okay lang na puro sugat ang aking mga paa, may dugo at manhid na, daig pa ng pagtulo ng aking pawis ang pagtulo ng tubig mula sa gripo. Ayos lang na mangapa sa dilim. Sanay na ako; unti-unti nang nakakakita sa dilim ang aking mga mata. Magtitiis ako gaano man kahaba ang daan na ito hanggang sa makita ko ang liwanag. Hanggang ang aking pagod na mukha ay magkaroon ng ngiti na hinding hindi matutumbasan ng kahit na ano. Marahil matagal pa ito. Ang tangi ko lang hiling ay ang tamis ng ligaya sa dulo ng pakikipagsapalarang ito.
To whom it may concern:         
         I ask for nothing but your safety for we will need that in taking care of our children. My heart hopes that in some little time of your silence, you think of me. I wish you imagine how I look and that it will excite you to meet me.
         I believe that someday, maybe not tomorrow, but someday, you will come to rescue me. I know you are being molded to be the man for me as I am to be the woman for you. Maybe we had met each other, may be not. I don’t care. What I care about is the time that we’ll look at each other’s eyes feeling so in love with our hearts singing in the melody of every cupid in heaven and the time we will spend together thereafter.
         It excites me. Thinking of the genuine kisses, hugs of security and touch of love just make me want to see you as soon as possible. Maybe we are not yet prepared for the goose bumps of love each of us will give. Soon we will be.
         I want to be the one for you  and that no other woman will make you feel happier than being with me . For I am sure that you will be the only one to me, you will be the dearest. I want to be the one preparing your breakfast and see you smile in the morning after you sip the cup of coffee I made for you. I want to be the one to give you the sweetest goodnight kisses before we sleep in each other’s arms.
       I may not be the most beautiful girl created but I know for sure that in your arms, there’s nowhere else I can find the meaning of beauty. I may not be the modest lady in this land but I will be the sweetest to you. I may not be perfect but I will be the best partner to you.

Out of Sight

When you think you’ve fallen too hard for someone, you do anything for him/her to like you. 
You do things that you think may catch his/her attention. 
You tend to share everything into bits, every moment and every piece of you are being given to him/her. 
You try to understand those times that are not given to you.
You put reasons to everything that does not compensate your efforts.
You make that person like you.
It seems challenging but challenges are not always fun especially when your goal is out of sight, not even as near as the horizon.
It seems like you are walking on the sand, the more you struggle, the deeper you get, that more difficult for you to move on.
It’s like climbing on a tree and falls too hard but no one is even there to catch you.
In the end, who enjoys pursuing someone who does not seem to give you a damn?
Who likes to be hurt at all times?
Who prefers doing all those things to get someone who does not even near enough for you to touch?
You could choose to continue but do you think you should?
This is a point where what so-called “selflessness” ends. love for yourself enters the scene. you dont deserve such ignorance, who does? You deserve someone better. Cliche as it may seems but true enough.
Yes, maybe he/she likes you, but not enough. s/he appreciates how wonderful and nice you are, but not enough. s/he cares but not enough. not enough to satisfy you; to make you feel loved.
If s/he does not even care to take a step closer, then better look for another path.
You dont have to listen to sad love songs, to watch melancholic movies, you dont have to dig you heart to these things. these will make you sadder. you have to realize that you need the real one and not just a mere reflection of it. and it will come your way.
Give up not because you are tired.
Step back not because you are quitting.
Stop not because you don’t love.
Stop because you love.
Because you love not merely him/her but yourself and the people who love you.
Not everything goes the way we want it no matter how persistent we are.

Ending

Pagod dahil sa trabahong sinubukan. Naglakad sa kahabaan ng Alabang dahil sa sundong hindi matagpuan. Saan ba kasi yung MMDA outpost? Nasa tapat pala ng Starmall. Muntik pang mabangga. Lagpak pag sakay sa kotse. Knock down. Nakarating sa bahay. Sabi ko tutulog na agad ako sa sobrang pagod. Pagdating, naghanap ng pagkain. Walang pagkain. Pasok sa kwarto, nag-online. Tinawag ako, handa na raw ang pagkain. Tatlong kutsarang kanin (literal), hotdog at paksiw. Antagal maubos. Ginulat ako ng sigaw “Hoy! Bakit ga ika’y nakatulala?” Sabi ng daddy. Tuloy sa pagkain. Tulala uli. “Aba’y kain na at ika’y magpahinga. Pagod na pagod ka e.” Sabi ng Ate Edna. Natapos rin.
         Balik sa kwarto. Naramdaman kong kailangan ko ng isang buntong-hinga. Ginawa ko. Pero hindi lang yun. Kasabay nitong umagos ang mga luha mula sa aking mga mata. Hindi ko alam kung dahil lang sa pagod ngunit kung anu-ano agad ang pagmumuni-muning nagawa ko. Ambigat bigla ng kalooban ko. Ang hirap. Bigla  mo na lang mararamdaman na mag-isa ka, na wala kang kwenta, na para bang ang laki ng pagkakamali mo para hindi ka intindihin ng mga taong inaasahan mong naririyan para sa’yo.
        Alam kong may pagkakamali ako, malaki ang pagkakamali ko. Tanggap ko na rin naman halos na kasalanan ko kung bakit ako nagkaganito pero sana hindi niyo ako iniwan. Ngayon ko kailangan ng pamilya na alam kong matagal nang nawala. Kailangan ko ng kaibigan, hindi marami, yung tunay, yung may pagmamahal.
        Hindi ako naghahanap, kailangan ko lang talaga.
        Patuloy na umagos ang mga luha. Hamagulhol. Parang tanga lang. Ambigat ng kalooban ko. Anong gagawin ko? 
         Masakit na hindi ko naabot ang pangarap ko sa oras na dapat ay nasa akin na ito. Pero alam mo ang mas masakit? Ang katotohanang ginagawa ko yun para sa iba at hindi para sa sarili ko.  Pinagbubuti ko para sa iba, hindi para sa akin. Sabi ng malapit na professor sa akin, “You have to do it for yourself and not for others. Not for compliance.” Sabi ko, hindi ba ang selfish nun? Sabi niya, hindi raw. Napaisip ako. Tama nga. Mahirap kuhanin ang isang bagay sa maling dahilan.
      Mula alas otso, umiiyak na ako. Nagtagal ito hanggang bago mag-alas onse. Ang hapdi ng mata ko. Ang hapdi ng mga sugat na nanunumbalik. Napakasakit. Forever alone ang pakiramdam.
     Ginusto kong sumuko. Tapusin ang lahat. Para wala na ring problema. Para hindi ko na problemahin ang mundo at hindi na rin ako problemahin nito. Pero hindi ko kaya. Hindi kaya ng loob kong gawin ang kung anumang iniisip ko.
    Kusa rin namang tumigil ang aking pag-iyak. Kala ko tapos na. Nilamig ako ng sobra. Yan na nga, nilalagnat ako. Nanghina at pumasok na naman ng pauli-ulit parang unli at reblog lang sa isip ko ang mga bagay-bagay. Hindi ko alam kung paano tatapusin ito dahil nasa isip ko pa rin ang mga bagay na iyon. Paano ko tatapusin ang entry na ito?
*nilalagnat pa rin ako at nanginginig ang mga kamay habang ginagawa ito.*

Hiling

Bawat tao may hinihiling sa buhay -mabaw man o malalim, lantad man o hindi.
Ako? Marami akong ipinagdarasal. Marami para sa isang bagay lang, ang kaligayahan.
Pero bakit ganun? Parang ang hirap hirap makamtan. Minsan, nararamdaman kong wala na akong saysay. Nawala ang isang taong pinakapinahahalagahan ko sa buhay na ito at mula noon, para bang hindi ko na alam kung sino pang nagpapahalaga sa akin o kung mayroon pa bang tunay na nagmamahal.
Sobrang hirap at sakit na sa gitna ng kamunduhang ito, sa dinami-rami na tao, pakiramdam mo mag-isa ka. Nawalan ng saysay ang bawat ginagawa mo.
Ang hirap maglakbay mag-isa. Nasasaktan ka pero hindi mo malaman kung saan nanggagaling ang sakit. Gusto mong umiyak pero walang luhang pumapatak.
Ngayon, ang hinihiling ko lang ay makita ko uli ang sarili ko sa mga bisig niya. Sana bata na lang ako uli. Hiling ko na makaramdam uli ng yakap, yakap na may tunay na pagmamahal.
Hindi naman ako matapang. Pero wala na akong magawa dahil wala akong pagpipilian kundi ang lumaban.
Hiling ko na sana matagpuan ko o malaman ko (kung natagpuan ko na) ang mga taong tunay na tanggap ako sa kung ano ako at kung ano pa pwede akong maging.
Marami pa akong mga hiling pero lahat ng ito ay upang makilala ko uli ang Hazel na noon, hindi forever alone.
May mga bagay na magaling ako pero meron rin namang hindi! Mahirap bang intindihin yun?!!! Hindi ko kaya e! Sinubukan ko naman! Alam mo ang gusto kong gawin ngayon? Umiyak. Pero ni katiting na luha, walang lumalabas. Puno ng pighati at poot ang aking kalooban pero wala akong kalaban-laban. Akala ko, malakas ako. Pero hindi. Nagkamali ako. Sa bagay na ito, ako ang talo. Bakit kasi kailangan pang mahirapan ng sobra para lang makuha mo ang isang bagay na hindi lang sa’yo magpapasaya kundi pati rin sa mga taong umaalalay at umaasa sa tagumpay mo! Kung ako lang ang maaapektuhan nito, ayos lang. may pagkamasukista rin naman ako kahit papaano. Pero hindi. Ang hindi ko pag-abot sa mga pangarap ko, kabiguan yun ng iba, ng mga nagmamahal sa akin. Hindi ako lang ang apektado rito! Antanga ko! Wala akong dapat sisihin kundi ako! Anong magagawa ko? Hindi ako Diyos!
“Humans only do what they are capable of.”
-200-pound beauty.

Manloloko

Isa sa pinakamasakit na maaaring maranasan ng isang tao ay ang maloko.
Magkahalong galit at awa ang mararamdaman.
Galit sa taong nanloko. Galit sa sarili kung bakit nagpaloko.
Awa sa sarili. Hindi maintindihan Kung bakit sa lahat ikaw pa.

Pero may mas masakit. ang lokohin ang sarili sa pag-aakalang makakamove on ka at sa pagpupumilit sumaya.
Masisisi mo ba ako kung iinsist kong nakalimutan ko na siya kahit ang totoo, lagi kong gustong makita ang kaisa isang siya.
Masarap magmahal, oo. Yun ay pag mahal ka rin ng taong mahal mo.
Masarap pa rin bang magmahal kung ni isang tingin ay hindi niya maibigay sa’yo?
Sabi nila, basta iparamdam mo lang na mahal mo siya, sasaya ka na.
Patawad, magpapakatotoo lang ako. Simula kasi nung nalaman kong mahal ko na siya, hindi na nawala ang pagasang mahalin niya rin ako. At walang kasing saya siguro sa pakiramdam kung sakaling mapunan ang pagasang iyon.
Pero kung hindi, masaya pa rin ba? Napakasinungaling ko kung sasabihin kong oo.

Ngayon, dahil hindi ko nakamtan ang gusto ko, hindi ko alam ang gagawin.
Gusto ko ng umusad. Totoo. Hindi ako bitter. Ayoko na lang din talagang pahirapan ang sarili ko.
Mahirap. Malungkot. Masakit. Ang maloko. Lalo na ng sarili mo.

Gaya ng lagi kong sinasabi, ako lang ang may alam kung anong nararamdaman ko.
At tinatanggi ko ngayon ito. Para makausad.
Para makapunta sa ibang lugar na marahil ay may mga manloloko rin, pero ayos lang. Kailangan kong maglakad patungo roon.

Unang liham - Liham para sa unang pag-ibig.

Dear ABS,
           Hehehe. Paano ko ba ito sisimulan? Hmmm. Ayun, alam mo naman siguro na gusto kita noon. Di ba? Di ba?
           It’s been eight long years tapos eto, susulat ako sa’yo (kung mababasa mo ito. behlat) ngayon. Gusto ko lang malaman mo na masaya ako na nakilala kita.
           Ikaw ang aking unang crush pagtungtong ko ng high school. Mahilig ako sa suplado at natutuwa ako sa pagkasingkit mo na hindi ka naman mukhang intsik ko koreano kaya crush kita. Kala ko hanggang doon na lang yun kasi hindi naman ako naniniwala sa pagmamahal sa opposite sex na nasa ganoong edad. Para kasing kalandian lang o overgeneralization sa pag-appreciate ng isang tao sa’yo. Pero ang mga text messages na hindi natin pinapalampas kahit may klase. Ang mga phone calls na naging dahilan ng pagkaputol ng landline namin noon. Ang mga palihim na ngiti at kindat. [syet, kinikilig ako].
          Mula nung freshman, ikaw lang ang nakapagpakilig sa akin ng ganun. Akala ko crush lang kita. Hanggang sa nagbunga ka ng napakaraming tula nung second year, ng pagluha nung third year kapag sinasabi mo kung sino ang nililigawan mo.
          Hanggang sa mabalitaan kong magkakaanak ka na. Cool lang ako noonpero ang totoo, hindi ako makapaniwala. Hindi kasi ganoon ang pagkakakilala ko sa’yo. At hanep ang mga prinsipyo mo sa buhay. Alam mo yun. At lagi natin yung pinag-uusapan. Pero naintindihan ko rin naman dahil pareho tayo ng Unibersidad na pinasukan ngayong kolehiyo.
          Nasaktan ako kahit na alam kong hindi mo naman talaga ako magugustuhan. Una, dahil mas bata ako sa’yo ng tatlong taon na noon ay napakalaking bagay na dahil freshman ako at senior ka. Pangalawa, dahil hindi naman ako maganda tulad ng ibang babae sa school natin. At pangatlo, sadya lang sigurong mailap si kupido sa ating dalawa.
          Second year college, alam mo ba na classmate ko ang GF/asawa mo sa Stat lecture? One seat lang ang pagitan namin. Hindi kami nag-uusap o nagpapansinan. Alam mo naman sigurong mainit ang dugo noon sa akin dahil nung naging kayo ay may tama pa ako sa’yo. Pero college na noon, natuto na akong magmahal muli at nasaktan na rin ako ng ilang beses, tapos siya, bitter pa rin? Hindi ko naman siya masisisi. Ganoon lang siguro talaga ang mga babae.
          Nakita kita noong isang taon, nagkaroon tayo ng chance para makapag-usap muli ng hindi sinasadya. Masaya ako noon. Hindi dahil gusto pa rin kita kundi dahil nalaman kong okay na talaga. That I have moved on from where I thought I was stucked. Masaya ako na magkaibigan pa rin tayo na yun lang naman talaga ako para sa’yo dati pa.
           Ngayon, sana masaya ka. No bitterness. Sana maging maayos ang buhay mo.
          Gusto kong malaman mo na masaya talaga akong nakilala ka. Isang kaibigan at kuya. Tinnuruan mo akong magmahal, sumulat ng tula, gumawa ng sariling text quotes at masaktan.
           Masaya akong makilala ang kapatid mo na naging kaibigan ko rin. :) Salamat nga pala sa pagtitiwala sa aking ng security code ng 3310 mo noon na ako at ikaw lang ang may alam. Hahah. At salamat sa tiwala pag nakikipagpalit ka ng phone sa akin. Pero ang totoo, binabasa ko talaga ang inbox mo. Haha. Pero aminin mo, ganoon ka rin naman. :P
          Oo, aaminin ko, minahal kita. Puppy love kahit hindi ka aso, infatuation, o kahit ano pa man ang tawag dun. Minahal kita, ABS. :)