Noon, walang pwede gumalaw sa mga kaibigan ko dahil malilintikan sila sa akin. Naaalala ko nung 4th year high school kami, nasa UPLB kami para sa aming Science Investigatory Project nang biglang may tumawag sa akin at umiiyak raw ang isa sa aming mga kaibigan. Ang sama ng pakiramdam ko noon at pinilit naming tapusin nang maaga ang experiment para makabalik na agad sa Lipa. Galit na galit ako dahil lagi nilang ginagawa yun, ang paiyakin ang mga kaibigan ko habang wala ako. Ang hirap sa pakiramdam na ang layo mo at wala kang magawa habang ang kaibigan mo, ayun, naroon at umiiyak. Pagdating namin, itong mga “kaaway” ay nauna pang lumapit sa akin para magkwento. Siyempre, hindi ko pinansin at dumiretso ako sa kaibigang naapi. Habol pa rin ng habol ang mga echoserang palaka para magpaliwanag. Hindi ko sila pinapakinggan, wala akong pakelam, ang alam ko lang umiyak ang kaibigan ko sinabi ko sa kanila na huwag na huwag na uli nilang susubukang gawin uli iyon dahil tutuwid ang mga kulot nilang buhok sa akin.
Hindi ko talaga gawain ang sumugod na lang. Lagi akong namamagitan at pinapakinggan ang bawat side pero kapag may nasaktan na at kaibigan ko pa, sumasama ang pakiramdam ko at nanggagalaiti ako sa galit. Na para bang may kailangan akong gawing paraan. Ayaw ko nang may naaargabyado.
Ngayon, ganoon pa rin naman. Ako pa rin ang tagapagtanggol pero masasabi kong nagmature na ako. Nakakahiya naman kung hindi di ba? Siyempre, ayoko pa ring makitang nasasaktan ang mga kaibigan ko. Sino bang may gusto nun? Handa pa rin akong makipagbakbakan para sa kanila. Kaya lang ngayon, medyo kaya ko ng kontrolin ang galit ko. Una, siyempre, tinatanong ko kung anong nangyari sa kaibigan ko at tatanungin kung anong ginawa niyang mali. Gusto ko, manggaling mismo sa kaibigan ko ang pagkakamali niya para mas madaling ipagtanggol. At hangga’t kaya ay kukunin rin ang side ng kabila. Kung ayaw ibigay, bahala siya, e di ang alam ko lang ay nasaktan ang kaibigan ko.
Masarap sa pakiramdam ang napapagtanggol mo ang mga mahal mo sa buhay. Kahit wala ka namang superpowers e pakiramdam mo superhero ka habang nagpapasalamat at yumayakap sila sa ‘yo. May mga nagsasabi pang hindi nila alam ang gagawin nila kung wala ka.
Sa kabila ng lahat, may mga gabi, bago ako matulog na iniisip ko kung anong pakiramdam ng may nagtatanggol sa ‘yo? Yung pagkakataon na ikaw naman ang ipaglalaban. Ano kayang pakiramdam?
No comments:
Post a Comment