Thursday, March 31, 2011

Noon..

          Alas tres ng umaga, matapos ang confe call, hindi pa ako inaantok, nagbukas ng laptop at nag-online uli. Walang magawa. Binisita ang multiply site, naningin ng mga photos. Ang simple lang ng mga bagay-bagay. Ang simple ng mga tao. Ibang iba sa ngayon.
           Lumilipas nga talaga ang panahon at hindi naman tayo maaaring magpaiwan. May bagong usong damit, sapatos, palabas sa telebisyon, social networking site, isang iglap may bago - isang iglap, nagbabago.
          Maluha-luha akong naningin ng mga larawan. Walang make-up, nakatsinelas, jeans o shorts lang. Ganun lang din naman halos ngayon pero bakit ang aura ng mukha ko ay parang napakapayak lang? Ang simple simple pero kita mong masaya sa mga simpleng ngiti lang din. May  problema na noon pero ni hindi mo makita sa mukha. Ibang-iba ang dating.
          Sa pag-usad ng panahon, nabago ang lahat. Noon, kapag may camera, ngiti lang. Ngayon, bongga ang pose. Maarte na ba ako ngayon? Tumaas na ba ang lipad ko? Kinalimutan ko na ba ang dating ako? Maraming katanungan ang nag-uunahang maghanap ng kasagutan sa aking isipan. Hindi ko alam ang sagot. Kung oo, hindi ko napansin. Kung hindi, bakit parang hindi ko rin napansin?
          Kung hindi kaya ako nagbago e ano kayang mangyayari? Hindi naman pwede yun e. Hindi pwedeng kung ano ako ngayon e ganoon pa rin ako bukas. Simple lang, kada oras, nadadagdagan ang edad ko. Kada minuto, kailangan kong gumalaw. Kada segundo kailangan kong mag-adjust. Kung hindi ako magbabago, wala akong patutunguhan, hindi ako uusad. Pero bakit hindi na lang kasi maging simple ang lahat? Bakit hindi maitigil ang oras kung kailan ka masaya? 
          Habang tinititigan ko ang mga larawan ng nakaraan, napapangiti ako habang namumuo ang mga luha. Nakakamiss lang. Nakakatuwang malaman na minsan sa buhay ko, naging masaya ako. Na minsan sa buhay ko, napaligaya ako ng maliliit na bagay. 
          Tumatanda na nga siguro ako. Naghahangad na ng mga malalaking bagay. Kahit noon pa naman, matayog na ang mga pangarap ko dahil naniniwala akong libre ang mangarap at talo ka kapag hindi mo kinuha ang pagkakataong yun. Ang kaibahan siguro ngayon, kailangan ko nang kumilos para isakatuparan ang mga pangarap kong ‘yon. Panahon na para bayaran ang pangarap na ninakaw, kailangan nang bayaran para maging sa iyo na.
         Noon, isa lang akong batang nangangarap. Ngayon, isa na akong taong kailangang pangatawanan ang mga pangarap. Siguro kaya masayang balikan ang ‘noon’ ay dahil alam mong nalampasan mo na yun. Mahirap tanggapin ang ngayon dahil hindi mo pa alam kung makakaalis ka o tuluyang makukulong sa kasalukuyan. Pero bukas, makalawa, ang ngayon ay magiging parte lamang din ng noon. 
          Oo nga’t ang ngayon ay magiging parte lamang din ng ‘noon’ hindi kalaunan pero hindi ibig sabihin ay hihintayin ko na lamang ang bukas. Kailangan kong kumilos. Kailangan kong maging masaya.
         Kailangan kong mabuhay sa ngayon. Hindi dahil magiging parte ito ng masaya kong nakaraan kundi magiging bahagi ito ng makabuluhan kong nakaraan at ng masaya kong kinabukasan.
          Iba na lang din siguro ang simple noon at simple ngayon. Ito pa rin ako. Hindi man ang dati ako, pero ako pa rin ito. Kailangan kong maggrow kasabay ng panahon. Kung hindi ako sasagwan sa agos ng panahon, baka malunod ako nang wala sa oras.
         Patuloy akong sasagwan sa alon ng buhay.
image

No comments:

Post a Comment