Thursday, March 31, 2011

Buhay - Tadhana

            Nakakatuwang sa panahon ngayon ay marami pa ring naniniwala sa tadhana. Nakakaamaze isiping naniniwala sila na ang mga bagay sa buhay nila ay para talaga sa kanila - itinadhana. Nakakapangiti kung paano nila pahalagahan ang mga yun dahil para sa kanila, iyon ang ibinigay ni tadhana.
             Hindi ako panatiko ni Tadhana. Pero hindi naman ibig sabihin na hindi ako naniniwala. Naniniwala ako pero sa ibang paraan. Naniniwala akong lahat ng bagay dito sa mundo ay dahil kay tadhana pero yung para sa ‘yo?? Hindi. Paano mo ba kasi masasabing iyon na ang itinadhana sa ‘yo? Paano mo malalaman na ang isang tao o/at bagay nilikha para lang sa ‘yo at hindi para sa iba? Halimbawa, nakapag-asawa ka, masasabi mo bang siya talaga ang itinadhana sa ‘yo at hindi sa iba? Paano yung mga mahihirap, itinadhana ba sila para maging mahirap? Ganoon din sa mayayaman? Paano yung mga tumatandang mag-isa? Yung iniiwan? Itinadhana rin ba yun? Paano natin masasabi?
          Naniniwala akong ang tayo ang gumuguhit sa sarili nating mga palad. Hindi tayo pwedeng umupo na lamang at hintayin si tadhanang ibigay ang dapat ay sa atin. Paano kung dumating na pala ang itinadhana sa ‘yo? Paano kung dumaan na sa harapan mo? Pero dahil hindi ka naghanap at hindi ka lumingon, nakasalisihan mo lang. Ang bagay at tao na meron tayo at maging kung sino tayo, ay parte ng mga desisyong pinili at ginawa natin.
           Minsan, kapag hindi mo na alam kung anong nangyayari, at kapag kalimiting ang kinalabasan ay hindi natin nagustuhan, ang pasintabi natin ay tadhana. Si Tadhana ang may kasalanan. Sa palagay ko, nagbibigay lang naman si Tadhana ng iba’t ibang kalsada  para sa atin at nasa sa atin na iyon kung didiretso ba tayo o liliko.
          What could be a better excuse to choose a path than to insist it’s our destiny?

No comments:

Post a Comment