Maaga akong nabilad sa mga bagay na hindi dapat pinag-iisipan muna ng isang bata. Musmos ako. Dapat ay naglalaro, humihingi ng piso para pambili ng kendi, nanonood ng cartoons, at kung anu-ano pa pero hindi e. Kasabay ng kamusmusan ko ang maagang pagugunam-gunam sa mga bagay. Alam kong hindi ako anak ng aking Inay. Sabi nila, ampon ako. Bata ako, anong gagawin ko? E di umiyak. Pero bakit may binibisita kami ng Inay? Si Ate Helen. Si Ate na anak ng Inay. Kamukha ko, at sa tuwing makikita niya ako e bakit ang higpit ng mga yakap?
Naglaro ang maraming bagay sa aking isipan kasabay ng paglalaro ko holen at lastiko kasama ng mga kabataang lalaki sa nayon.Hindi nga ako anak ng Inay. Pero hindi rin naman daw ako ampon. E sino ang aking Ina? Hindi ko alam kung kailan, saan at paano nangyari pero nalaman ko na lang na ang aking kkapatid na si Ate Helen ang aking ina. Basta nalaman ko na lang, naramdaman. Hanggang sa isang araw, sa pagbalik niya, nakiusap siya tawagin siyang “Mama”. Ayoko. Hindi ako sanay. Kung hindi pa ako sinuhulan ng mamahaling sapatos noong anim na taong gulang ako ay hindi ko siya tatawagin sa paraang gusto niya.
Ako nga ang anak niya pero hindi ko siya tinuring na ina? Bakit pa? Sapat na si Inay. Nasaan ba ako? Anak? Apo? Kapatid? Ampon? Namuhay akong nagmamahal sa mga taong dapat kong mahalin base sa kung paano kami magmahalan at hindi sa kung ano man ang aming relasyon. Nasanay akong pahalagahan ang mga taong nagbibigay sa akin ng halaga at hindi sa kung sino at sinasabing “dapat” pahalagahan. Wala akong pinagsisihan. tama lang siguro ang ginawa ko.
Si Mama, masaya na siguro siyang tinawag ko siyang “Mama”. Hanggang doon na lang din siguro ang gusto niya noon dahil nagkaroon na rin naman siya ng bagong pamilya at hindi kalaunan ay iniwan na rin akong mag-isa. Mag-isa kung kailan gusto ko nang maging anak niya. Tunay nga sigurong mabait ang Diyos. Dalawa ang Ina ko. Nang iniwan ako ni Mama, nakita ko ang Inay sa kwarto, umiiyak. Tinanong ko kung bakit. Hindi niya raw kaya kung iiwan ko siya. Noon ko nalamang tama ang desisyon kong hindi ipinagpilitan ang sarili ko sa tunay kong ina dahil may isang nagmamahal na inang masasaktan. Isang ina na sa kabila ng katandaan ay ginagawa pa rin ang lahat maibigay lang LAHAT ng gusto ko.
Ako, namuhay nang kontento sa piling ng minamahal at hindi na naghangad pa ng mga tao sa palagid niya. Ni hindi ko noon hinahanap ang aking ama. Hayskul na ako nang ako ay magtanong tungkol sa kanya. Ayos lang. Bata pa rin siguro ako para madagdagan pa ng timbang ang mundong pinapasan.
Nang mawala si Inay, parang nawala na rin si Ako. Ni hindi iniisip umuwi sa bahay at sa apartment na lamang tumitigil. Natutulog, gigising, iiyak, tutulog, gigising at iiyak nang iiyak. Mahigit isang taong ganoon ang aking buhay.
Puno man ng galit ang puso, dumating rin ang araw ng pagpapatawad at oo, pangangailangan. Pangangailangan ng kalinga kaya sinubukang bumalik kay Mama. Tinanggap naman ako. Nakahanap na naman ng tahimik na kanlungan si Ako.
Pero hindi naman maaaring habambuhay manatili sa kanlungan ng pagkalinga. Kailangang lumabas at harapin ang mundo. Paano ba mamuhay mag-isa? Paano ba maging matapang? Matapang si ako noong bata siya at nakakaya niyang dalahin lahat ng problemang binibigay sa kanya. Ngayon, ano na bang sukatan ng katapangan? Saan ba nakakabili ng katapangan? Musmos pa lang ako ay matapang na ako. Musmos pa lang ako ay lumalaban na ako. Pero hindi na ako musmos. Nasaan na si Ako?
No comments:
Post a Comment