Tanda mo ba ang larawan na ito? Ikaapat ng Nobyembre yan, taong 2008. Sa ospital, sa Mary Mediatrix Medical Center. Yan ang unang pagkakataon na hindi mo ako kilala. Una at kaisa-isang pagkakataon na hindi mo ako marecognize. Nakakaiyak na marinig mula sa ‘yo ang iba’t ibang pangalan noong tinatanong kita noong gabing yan kung sino ako at pinapaalam sa ‘yo na hindi mo kailangang matakot dahil andun lang ako sa tabi mo.
Bago ka matulog dahil sa sakit, sa dami ng ininom na gamot at turok, sabi mo, “Ikaw si Hazel, ang paborito kong apo, ang aking anak.” Wala kong kasing saya noon. Tumulo na lamang ang luha ko. Magkahalong lungkot at saya. Malungkot dahil alam kong nahihirapan ka. Masaya dahil…kailangan ko pa bang ipaliwanag? Sa sinabi mong ‘yun, sinong hindi tatalon ang puso sa saya?
Hindi ka agad natulog noong gabing yan, at hindi mo rin ako pinatulog. Sobrang balisa ako noon. Kung anu-anong pangalan ang sinasambit mo. Kilala ko silang lahat. Sabi mo, hinihintay ka nila. Kilala ko silang lahat. Sabi mo, gusto ka nilang makasama. Kilala ko silang lahat. Wala na silang lahat dito, nasa kabilang mundo na.
Sabi mo pa noon ay kukuhanin mo ang jacket mula sa Kuya mo dahil nilalamig ka. Sabi ko, ako na ang magbibigay sa ‘yo dahil tayong dalawa lang naman noon at isa pa, ikaw na lang sa inyong magkakapatid ang buhay. Sabi mo sa akin, hindi ko na kailangang mag-abala pa. Nanlambot ang buo kong katawan. Naramdaman kong mas gusto mo na silang makasama kesa sa amin pero hindi ako sumuko. Hindi kita iniwan at niyakap kita hanggang sa makatulog ka.
Kinabukasan, andaming tao sa kwarto, andiyan ang internist, cardiologist, surgeon, ewan, basta lima o anim na doktor ang andun kasama ng mga nars. Umiiyak ka at sinasabing hhuwag kang igapos at saktan. Andaming makina. Andaming karayon. Hindi kita matingnan, ayokong makakita ng luha. Alam mong mahina ako.
Nang sinabi ng isang doktor na kailangan ka nang dalhin sa ICU, isa lang ang sinabi ko, “DALHIN NIYO NA! NGAYON NA!” sabay lingon sa ‘yo at nang makita kung paano nagbabago ang kulay ng buo mong katawan, tumakbo ako palabas ng kwarto. Patawad kung iniwan kita, hindi ko kayang umiyak sa harapan mo noong panahong iyon.
Dinala ka sa ICU. Tumawag si Tita sa akin. Pinagalitan ako. Bakit pa raw kita pinadala sa ICU gayong dalawang linggo na lamang naman ang itatagal mo. At yun ay kapag ginawa ng mga doktor ang lahat. Pinagalitan ako nang sobra sobra. Wala akong maisagot. Pagkababa ng telepono, nagtext na lamang ako: “Sorry kung pinadala ko pa siya sa ICU. Kung kayo kasi ang narito sa Pilipinas at nakikita ang kalagayan niya at kung mahal niyo siya, kahit isang oras lang na karugtong nag buhay niya ay gagawin niyo. Sorry, I just can’t execute your decisions. I just can’t let her go.” Tanda ko yan. Nasa Diary ko pa yang mga yan. Akala ko noon, pagagalitan pa rin ako pero eto ang reply nina Tita: “Sorry if we scolded you. Hindi lang din namin alam ang gagawin. Ang hirap nang malayo. Salamat Hazel. Pakatatag tayong lahat.”
Pero hindi ka na rin nila nilagyan ng kung anu-anong tubo dahil mahihirapan ka lang. Pinatawag ang lahat ng mga anak at apo para maghintay sa bahay at iuuwi ka na at magsasama-sama tayo sa hhuling pagkakataon. Ayoko pa. AYOKO! AYOKO! Inihanda na ang ambulansya para maiuwi ka nang may wisyo pa at para marinig mo ang mga gusto naming sabihin.
Hindi ko na alam ang gagawin ko noon. Tumakbo ako sa Chapel at kinausap ang Panginoon. “Ayoko pa po. Ayoko pa. Pleeeeeeeease. Papa God, ayoko pa. Hindi ko kaya.” Paulit-ulit na ganan lamang ang sinasabi ko habang umiiyak. Makalipas ang ilang minuto, kinausap ko ng matino si Papa God. “Papa God, ayoko pa po talaga. Alam mo yan. Pero ayoko na rin siyang mahirapan. Ayoko pa talaga. Pero kung ano ang gusto niya at gusto Mo, tatanggapin ko.”
“MISS TOLENTINO!!!!” Tinawag ako ng Doktor, kailangan raw ako sa ICU. Medyo mabagal pa ang pagsusuot ko ng lab gown noon dahil sa panginginig nang sinabi ng isang nars “Ma’am, pakibilisan lang po natin, wala na po si Lola”. Hindi na ako nagsuot ng labgown. Tumakbo na ako sa ‘yo. Niyakap kita at tinulak ako ng doktor dahil kinukuryente ka pa noon. Binato ko ang doktor. “Bakit mo sinasaktan ang Inay ko?” Hanggang sa wala na. Wala ka na. Pero ako, kinakausap ka pa rin. Tinatanong ka kung bakit ngayon na? Pinapagalitan ka dahil sabi mo sasamahan mo ako sa graduation ko! BAKIT? BAKIT? Alam mong ikaw lang ang buhay ko. Tayo na lang dalawa tapos iiwan mo ako.
Ilan taon akong umaasang magbabalik ka. Ilang taon na umaasang sa pag-uwi ko sa Lipa tuwing weekend ay may yayakap sa akin. Ilang taong hinahanap ang boses na nagsasabing “Kumain ka muna bago ka umalis” sa tuwing pupunta ako sa Elbi nang Lunes ng madaling araw.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maisip kung paano ako nabuhay nang wala ka. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako na magkatabi tayo dito sa higaan at yayakapin mo ako kahit nakadextrose ka. Hanggang ngayon, hinahanap hanap pa rin kita. Ikaw ang Ina ko. Hindi mo ako pinabayaan. Hindi mo man lang ba mahintay na maibalik ko sa ‘yo lahat ng pagmamahal na binigay mo sa akin?
Sabi mo, bago ka dalahin sa ospital na gagawan mo ang lahat pero kung hindi mo na kaya, ayos lang dahil alam mong kaya ko na at nakapagpalaki ka ng isang maganda at mabuting tao. Nagkakamali ka. Pakiramdam ko ang pangit ko dahil hindi ikaw ang nakakakita nun. Pakiramdam ko ang sama ko dahil hindi ikaw ang nagsasabing mabuti ako.
Miss na miss na kita. Sana narito ka. Pagalitan mo ako. Sige na please. Sermonan mo ako, parang awa mo na.
Yang larawan na yan, larawan ng huling araw na nagkausap tayo. Yang larawan na yan, may sakit ka man at wala akong tulog, walang sinumang tao ang makakaalam kung gaano karaming pagmamahal ang namamagitan sa atin. Tunay na pagmamahal.
Patawarin mo ako kung nawala ako sa landas nang iwan mo ako. Napakahirap mamuhay nang wala ka. Patawad.
Mahal na mahal na mahal na mahal na mahal kita.
Ang iyong Nini,
Hazel
Hazel
No comments:
Post a Comment