SMP ako ngayong Pasko. Hindi lang dahil sa wala kong boyfriend. Matagal na akong walang boyfriend kaya hindi yun ang dahilan para maramdaman kong malamig ang pasko ko. Ginagawa ko lang palusot na gusto kong magkaboyfriend. O sige, totoo, gusto ko. Pero bakit?
Dahil ngayong pasko, wala na akong kasama. Ang Lola ko at Kuya Teddy (tito) na lagi kong kasamang magpasko at manood ng fireworks sa balkunahe ay wala na. Magkasama na silang magpapasko kasama ng may birthday na lumikha.
Hindi rin naman siguro ako selfish na maghangad ng kaligayahan ngayong pasko kahit na hindi ko naman birthday at araw yun ng Panginoon. Pero hindi ba’t araw yun ng kaligayahan at pagmamahalan? Napakalungkot lang na sa araw na yun, wala na ang nagbibigay sa’yo ng kaligayahan at pagmamahal.
Ang Tatay ko? Hindi ko alam. Hindi ko siya kilala. Oo nga’t may Ina ako pero andun. Kasama ng asawa at anak niya. Oo nga’t kasama ko ang Daddy (tito) dito sa bahay at mga pinsan ko at pamilya ng bagong kinakasama ng Daddy pero hindi kami close.
Gusto ko lang maramdaman ang init ng pasko na hindi nagmumula sa mga pagkaing nakahanda sa mesa at sa mga bagay na nakabalot bilang regalo. SMP ako dahil wala akong boyfriend. Pero baka, baka lang naman, gusto kong magkaroon uli ng tao sa buhay ko na ipararamdam sa akin ang pagmamahal.
Pero nagpapasalamat pa rin ako. Iniisip ko na lang na baka kaya nangyari ang lahat ng ito ay para imulat ko ang aking mga mata sa ibang bagay at makatagpo ng pagmamahal sa kanila. Masyado ko lang sigurong ikinulong ang sarili ko sa pagmamahal na hinahanap-hanap ko ngayon. Pero hindi mo ako pwedeng sisihin dahil tunay ang pagmamahal nila at sigurado ako doon.
Sisimulan ko ang pagmulat. Katulad ngayon, hindi pa ako natutulog ay pumasok ang Daddy dito sa kwarto at sinabing sumama ako sa kanilang lahat. Sisimba kami sa Antipolo. Gising na sila dito. Nasa isang bahay pero may kanya-kanyang buhay. Bahala na. Sana maging masaya ang araw na ito. Paalam. Liligo muna ako. Mapagpalayang araw sa inyong lahat!
No comments:
Post a Comment