Naaalala ko noong nasa ikalawang taon ako ng hayskul, umuwi ako isang hapon na wala pa ang Inay kaya wala akong meryenda pa. Hindi sanay ang aking katawan sa ganoong sistema, ang walang pagkain habang nanonood ng Doraemon.
Napansin mong hindi na ako mapakali at natatalo na ng gutom. Makikita mo yan sa aking mukha. Kaya naman kumuha ka ng pera at bumili ng hamburger para sa akin at para kay Totoy.
Unang kagat ko, may narinig akong mangol (ungol ng pagrereklamo). Pinahinaan ko ang volume telebisyon para alamin kung ano yun. Sinundan ko ang nakakairitang tinig. Dinala ako ng aking mga paa sa labas. Asawa mo pala. Galit na galit sa akin ang mga matang nanlilisik. Hindi ko alam kung bakit ganoon kaya ako itong maldita, nagtanong,“Bakit ganyang kang makatingin ha?”
“Putangina mo!” Yan ang sagot niya sa akin. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nabalot ako ng takot pero hindi ko pinahalata. Sa kanya mo pala kinuha ang pinambili mo ng kinakain ko. Hindi ako nagpatalo, binato ko sa mukha niya ang pagkaing ipinagdadamot niya. “Putangina mo rin! Halagang bente pesos, papatayin mo ako sa sarili naming bahay?”
Sumugod siya papalapit sa akin upang ako’y saktan. Nawala ang takot ko nang maramdaman kong ang mga braso mo ay nakapalibot sa akin. Yakap mo ako. Sa halip na pagtuunan ko ng pansin ang lalaking dapat ay mananakit sa akin, sa halip na matakot ako, natuwa ako. Para akong lumulutang sa sarap ng pakiramdam ng katawan mong nakabalot sa katawan ko. Para akong bumalik sa pagiging sanggol at sa pang-iilan lamang na pagkakataon, naramdaman kong mahal mo ako.
Itinulak mo ako palayo at sinabing “Takbo sa Daddy mo!” at dali-dali nga akong tumakbo papunta sa Daddy (Tito). “Daddy! Si Bingo!” Hindi na nagtanong ang Daddy at pumunta na sa bahay. Sumunod ako. Nakita kong sinusuntok ng Kuya Teddy (Tito rin) si Bingo habang sinasaktan ka niya. Kumurap lang ako at nakita ko ang lalaking nananakit sa atin na nakahiga at nanghihina habang ang Kuya Teddy, Daddy, Kuya Oca at ikaw, nakatayo at kinakamusta ako.
Hindi ako mahilig sa dahas pero masaya ako noong araw na yun. Pakiramdam ko, andaming nagmamahal sa akin. Wala man akong ama, may tatlo namang lalaking tumayo para protektahan ako. At sa iilang pagkakataon, naramdaman ko ang mga yakap mo. At sa unang pagkakataon, sa kaisa-isang sandaling iyon, naramdaman ko ang pagiging ina mo sa akin.
No comments:
Post a Comment