Masakit kapag sinabi sa’yo ng isang taong mahal mo na hindi ka niya mahal di ba? Parang dinudurog ang buo mong pagkatao. Pansamantala kang mawawalan ng ganang kumain, bumangon, parang ayaw mong kumilos. Iiyak ka na lang sa kwarto. Magpapagupit. Magpapamanicure, pedicure. Kailangan maganda ka para hindi mahalata ang bitterness sa mukha mo.
E paano kung hindi niya sabihing mahal ka niya pero wala rin naman siyang sinasabing hindi ka niya mahal? Araw-araw kang nahuhulog sa isang balon at hindi mo alam kung may sasagip ba sa’yo. Hindi ka makaiyak kasi hindi mo alam kung anong iiyakan kahit na hirap na hirap ka na at gustong sumigaw. Nasasaktan ka pero kapag tinanong mo ang sarili mo kung bakit, hindi ka makahanap ng kasagutan. Nagagawa mong kumain pero napapatigil ka na lang at napapatanong kung may inaasahan ka ba. Araw-araw kang bumabangon kasama ng pag-asang mamahalin ka niya.
Paano kung wala siyang sasabihin? Wala lang. Naisip ko, mas mabuti pang sabihin na lang niya na hindi ka niya mahal kaysa araw-araw kang lalabas ng bahay, maglalakbay, pero hindi alam kung saan patutungo. May sakit na nararamdaman pero wala kang masisi at wala kang mahanap na tamang dahilan para sa mga luhang pumapatak mula sa iyong mga mata.
Minsan, mas mabuting pang harapin ang masakit na katotohanan kaysa hindi malaman kung alin ang totoo at hindi.
No comments:
Post a Comment