Tuesday, December 7, 2010

Ina - Pasubali


           Apat na taon akong namuhay sa sekondarya na wala ka. Sumaya ako, nalungkot, nagmahal at nasaktan nang wala ka.
          Tanggap ko na noong simula pa lamang na haharapin ko ang buhay na ito na hindi ka kasama at wala akong inang matatakbuhan. Kailanman ay hindi nahalata sa akin ang pangungulila sa’yo kahit na nalulunod na ang aking puso sa luha sa paghahanap ng kalinga mo.
          Hindi madali. Kailanman ay hindi naging madali ang mawalan ng magulang ang isang nagdadalaga o kahit nagbibinatang anak ngunit pinili ko pa ring maging masaya.
           Masakit na mas alam ng mga kaibigan ko ang mga pinagdadaanan ko. Oo nga’t ganoon naman talaga sa buhay, mas marami pang alam ang mga kaibigan kaysa sa pamilya. Pero alam mo rin naman na hindi ako naniniwala sa ganoon. Dahil ang kaibigan, nawawala yan at sa darating na panahon, magkakaroon ng sariling pamilya. Paano ako ngayon kapag nangyari yun?
           Galit lang ang naramdaman ko sa’yo sa apat na taon ko sa hayskul. Galit na kinimkim at nagkubli ng pagasa na sana, hindi pa huli ang lahat.
           Napakasakit na magulang pa ng kaibigan mo ang nakakaalam ng mga problema at pangangailangan mo gayong ikaw naman ay buhay na buhay. Ayaw kitang makita o makausap dahil sa tuwing nangyayari yun, nag-aaway lamang tayo.
          Dumating ang aking pagtatapos. Sa pagkakataong ito, pinili kitang makasama sa entablado. Ikaw naman ang may ayaw ngayon. Sabi mo nagsisisi ka. Hindi mo nakita kung gaano ako kahalaga at pakiramdam mo ay hindi ka nararapat para umakyat kasama ko sa entablado para abutin ang diploma ko. Gayunpaman, hindi mo ako natanggihan.
          Apat na taon na wala ka. Apat na taon ng pangungulila. Apat na taon ang lumipas na kinalimutan mong may anak ka sa katauhan ko. Natapos ang apat na taon at sa huli, ikaw pa rin ang pinili ko. Sa araw na yun, kinalimutan ko ang lahat. Binigyan kita ng pagkakataon. Pagkakataon na hindi kita binigyan ng anumang pagpipilian kundi ang gusto ko.
           Pasasalamat na lamang ang nagsuma ng aking nararamdaman. Iniwan mo ako pero marami akong natutunan. Nagawa kong tumayo sa sarili kong paa. Natuto akong harapin ang maliliit hanggang sa malalaking problema. Bagay na hindi mo inaasahan sa ganoong edad. Wala akong pinagsisihan. Natuto ako, yun na lamang ang pasubali ko.

No comments:

Post a Comment