Thursday, May 26, 2011

Usapang Iskul

         Ang edukasyon ang isa sa lagi nating sinasabing pinakamahalaga sa buhay na ito. Sino namang hindi sasang-ayon dito ‘di ba? Ito ang bagay na isa sa mga stepping stones natin para sa kaunlaran. Bagay na hindi nakakamit ng lahat.

         Isa sa mga tanong ko noon ay kung bakit ba kailangan pang mag-aral sa loob ng halos dalawang dekada kung maaari ka namang umunlad basta pursigido ka sa buhay. Ngayon, naiintindihan ko na. Hindi nga naman sapat ang pursigido ka lamang. Dapat kasama sa pagtityagaan mo ang pag-aaral. Tama nga si Bob Ong, dalawang dekada mo paghihirapan ang pag-aaral, kung hindi mo kayang pagtyagaan, limang dekada ng kahirapan ang kabayaran.

          Mahirap ang buhay. Noon pa man, mahirap na. Pero sa ngayon, lumalaki ang populasyon, dumadami ang kakompetensya sa  paghahanap ng trabaho. Kung ang mga nagsipagtapos nga ng magandang kurso sa magandang unibersidad ay nahihirapan maghanap ng trabaho, paano pa yung mga hindi man lang nakatungtong sa kolehiyo o hindi nakatapos ng high school? Kahit gaano ka rin siguro katyaga ay talo ka pa rin ng mga nagsipagtapos maliban na lamang kung magtatayo ka ng sariling negosyo. Gayunpaman, para palakihin ito, kailangan mo pa rin ng kaalaman. Sa halos lahat naman ng bagay na ginagawa natin sa buhay ay kailangan natin ng kaalaman e.

          Tayong mga nabibigyan ng pagkakataon para mag-aral, maswerte tayo. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ipinagkaloob sa atin. Bilang isang estudyante, naiintindihan kong mahirap at minsan nakakatamad. Hindi ko naman sinasabing kailangan nating maging valedictorian ng isang graduating class dahil talagang mahirap yun. Mahirap maging estudyante.

           Sa akin lang, sa bawat pagpasa natin, maging masaya tayo dahil may natutunan tayo. Sa bawat pagbagsak natin, huwag tayong sumuko, isa yung pagkakataon para mas maintindihan pa natin ang mga bagay-bagay.

          Isa sa mga bagay na natutunan ko bilang isang estudyante ay ang pagpapahalaga sa kung anong nakukuha ko at hindi makuha ng iba – ang makapag-aral sa magandang unibersidad, ang magkaroon ng apartment na tinutuluyan, ang makain ang gusto kong pagkain, ang mabili ang gusto ko, ang magawa ang gusto ko bilang isang estudyante at marami pang iba.

           Sabi ng pinsan ko na hindi nakapagtapos ni high school ay masaya na siyang mgakaroon ng trabaho nang 50-100pesos ang sweldo sa isang araw. Napasimangot na lamang ako. Pangload ko lamang yun sa isang araw pero siya, masayang masaya na at pinagpapaguran ang bawat pisong tinatamo. Doon ko naisip na kailangan ko na talagang tapusin ang pag-aaral ko para matulungan siya. Matalino kasi siya. Magaling kung sa magaling pero inabandona ng magulang kaya wala ring nangyari.

           Nang umiyak ang pinsan kong iyon sa akin, natuwa na nalungkot ako. Natuwa ako kasi narealize ko kung gaano ako kaswerte. Pareho lang kasi kaming lumaking walang magulang. Ang pinagkaiba nga lang, buhay pa ang lola namin noong panahon ko at hindi talaga ako nakaisip ng pagsuko samantalang siya, wala na ang inay naming na laging nariyan at gagawin ang lahat para ibigay ang gusto namin. Ang masama pa ay nakakaisip na rin siya ng pagsuko. Ayaw na raw niya. Wala siyang patutunguhan. Mahina ako sa mga ganito. Kami lang dalawa ang magkausap noong gabing yun. Labinlimang taong gulang pa lamang siya. Wala akong nagawa kundi umiyak. Sinabi ko sa kanya na lalong wala siyang patutunguhan kung susuko siya. Basta huwag niyang pabayaan ang sarili niya at huwag na huwag siyang gagawa ng masama dahil hindi ko rin naman siya kayang bantayan palagi. Umiyak siya. Sinabi niyang sa akin na lamang siya naniniwala sa ngayon. Nawala na ang tiwala niya sa mundo. Naiintindihan ko. Inilagay ko ang sarili ko sa kanyang kinatatayuan – alam mong kaya mo pero tila ba kay lupit ng mundo para ipagkait sa ‘yo ang mga bagay na makakatulong sa ‘yo kabilang ang edukasyon.

          Nagbitiw ako ng pangako sa kanya na sa susunod na taon ay papasok na siya sa tulong ko. Bilang isang taong nagpapahalaga sa edukasyon, sino naman ako para ipagkait ito sa mahal kong pinsan? Pero siyempre, dapat may pangako rin siya pero hindi naman para sa akin, para rin sa sarili niya – kailangang hindi siya masangkot sa kahit anong gulo at dapat manatili siyang mabuting tao. Sumang-ayon naman siya.

          Ganun din sa amin ng kapatid ko. Gusto ng kapatid ko ay sa kung saang school lamang siya papasok. Ang sabi niya pa ay sa isang IT school. Wala naman sa akin kung saan pero habang bata pa siya, gusto kong matuto siyang mangarap. Sabi ko sa kanya, dapat sa top universities siya papasok. Dapat siyang makapasa. Sabi niya, kung dapat daw  ba ay sa UP, sabi ko, hindi naman pero okay sana kung oo. Bias nga siguro ako. Pero kung hindi naman siya makapasa ay ayos lang e. Maganda rin kasing mag-aral sa isang malaking unibersidad hindi lang sa pangalan kundi sa adjustments na matututunan mo rito. Isa pa, sa laki ng populasyon sa ganitong unibersidad galing sa iba’t ibang lugar, malalaman niya kung sino ba talaga siya, kung ano ba ang gusto niya, kung paano makibagay nang hindi nawawala ang individuality. Gusto kong matututo ang kapatid ko sa sarili niyang paraan at hindi lagi na lamang nakasandal. Gusto kong magkaroon siya ng sarili niyang opinyon at hindi nakasandal sa amin. Bata pa naman siya kaya hihintayin ko na lamang din kung anong desisyon niya in the future. Ganoon din naman ako noong bata e.

                Maswerte ako na binigyan ako ng pagkakataong makakuha ng magandang edukasyon at hindi ako titigil doon. Kung ano ang nakamtan ko, pahahalagahan ko at ibabahagi ko. Hindi ko man maibahagi sa lahat, sa mga mahal ko sa buhay man lang.

No comments:

Post a Comment