Nakakatuwa ang mga bata. Idealistic ang karamihan sa kanila, kung hindi man lahat, pagdating sa pag-ibig. “Kahit ano ka pa, kung mahal ka talaga ng tao e tatanggapin ka.” Tama nga naman. May punto pero ang hindi nila alam, hindi ganoon kadali yun. Sino nga ba naman ako para magsabi tungkol sa pag-ibig gayong wala pa naman akong nakarelasyon nang official? Pero kasi hindi naman talaga ganoong kadali. Kung mahal ka ng isang tao, tatanggapin ka nito sa kung ano at sino ka man pero ikaw, kailangan mo ring magbago. Give and take ika nga. Isa pa, kapag tumatanda ka na, hindi rin kadalasan nagiging sapat ang pagtanggap niyo sa isa’t isa. Hindi kalaunan ay magpaplano kayo ng pamilya. Paano kung ayaw ng magulang mo sa kanya? Kung ayaw ng magulang niya sa ‘yo? Ipaglalaban, oo pero hindi sa lahat ng panahon ay kayang manalo ng pag-ibig. ”Basta mahal niyo ang isa’t isa e mamumuhay kayong masaya”. Kapag ka ba may pamilya ka na at may mga anak na hindi makakain nang tatlong beses sa isang araw ay masaya pa rin? Kapag ka ba kailangan ng anak mo ng tulong sa iskwelahan at hindi mo matulungan dahil hindi ka nakatapos ng pag-aaral ay masaya pa rin? Nagmamahalan kayo. Ano bang pagmamahalan ang tinutukoy? Siguro dapat mahal mo siya kaya dapat kumayod ka upang hindi siya magutom. Mahal ka niya kaya mag-aaral kang mabuti upang bigyan siya ng dahilan upang mas mahalin ka. Minsan naiisip ko na sana kasing simple na lamang ng noon ang pananaw ko pagdating sa pag-ibig. Na basta mahal niyo ang isa’t isa e okay na. Pero habang lumilipas ang panahon e namumulat ako sa mga responsibilidad na kaakibat ng pagmamahal. Mahal kita. Mahal mo ako. Sana ganoon lang kasimple ‘yon.
Thursday, May 26, 2011
Simpleng Pag-ibig
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment