Thursday, May 26, 2011

Ina - Laro ng Buhay

       Tunay nga atang mapaglaro ang buhay. Noon, ang hangad ko ay mahalin ako bilang anak, hindi naibigay ng sarili kong ina. Galit, pasakit at sumbat lang ang nakuha ko. Pangarap kong maipaglaba ng damit ng sariling magulang, ang maipagluto ng almusal and maabutan ng tuwalya kapag nakalimutan ko itong dalhin sa tuwing maliligo ako. Hindi ko nakamit.

        Hindi naman ako mapaghanap ng kung anu-ano. Pero marami akong pangarap. Marami akong hiling. Pagmamahal, pagtanggap at pagkalinga, sinong ayaw ng mga yan? 

           Masalimuot ang aking nakaraan pero hindi ko hinayaang hadlangan noon ang aking kasalukuyan at maging hinaharap.

           May mga bagay nga sigurong hindi mo makukuha agad. Kailangan ng paghihintay. Hihintayin munang mawala ang galit para maluwag sa puso ang pagtanggap.

            Makalipas ang mahigit dalawang dekada, oo, halos dalawang dekada, nakamtan ko ang aking mga hiling. Sa kabila ng bawat pait ng nakaraan, may tamis pa rin palang mangyayari. Matagal na akong nakapagpatawad. Matagal na akong tumanggap. Naghihintay na lang at gumagawa ng paraan upang maging masaya.

           Kanina ko lamang napatunayan na wala na, wala na ang isang anak na iniwang luhaan at duguan. Nariyan na ang tanging hinihiling - ang pagmamahal ng isang ina.

           Naramdaman ko ang pagsisisi niya kung paano niya ako itinakwil dati bilang anak. Naramdaman ko ang panghihinayang niya na hindi niya nakasama ang isa mabuting nilalang (sabi niya). Naramdaman ko ang pagmamahal, sa wakas.

        Pangit mang tingnan pero hindi ako nagsisisi sa kung anuman ang nangyari sa amin noon. Kung paano ko siya sinumbatan at kung paano niya rin ako pinagtabuyuan. Bakit? Dahil hindi siguro ganito kasaya sa pakiramdam. Iba kasi ang pakiramdam kapag yung mga hindi mo inaasahang pangyayari ay mangyayari sa ‘yo. Napakasaya.

         Kung hindi siguro kami nagkasamaan ng loob noon at maayos kaming nagsama ay baka hindi niya ako hanapin ngayon. Ngayon na kailangang kailangan ko siya.

        Wala akong pinagsisisihan. Natuto ako, natuto siya. Pagsubok sa buhay na pareho naming nilabanan. Panghihinayang siguro, meron. Sabi niya nga, konti na lamang ang panahong makakasama ko siya nang bente cuatro oras sa isang araw dahil hindi kalauna’y mamumuhay na rin ako bilang isang matanda. Magtatrabaho, mag-aasawa at magkakaroon ng pamilya. Hindi na ako bata para iisantabi ang mga bagay na ito.

        Magpaglaro nga ang buhay. Kung kailan nakamtan ko na ang isa sa pinakaaasam ko, saka naman konti na lang ang panahon para magpakasasa rito.

          Gayunpaman, hindi pa huli ang lahat. Isa ito sa mga patunay. Makalipas ang mahabang panahon, sinong mag-aakala sa pagpapatawad at pagmamahal na hindi inaaasahan?

         Masaya ako. Marami akong natutunan sa mga pinagdaanan ko. ganun din naman siguro siya.

        Sa ngayon, ayaw ko na iiyak siya at sasabihin niyang hindi ko siya pinahahalagahan tulad ng dati. At hinding-hindi ko na rin ibabalik sa kanya ang paratang na iyan.

        Mapaglaro ang buhay pero masayang makipaglaro. Ikaw man ang taya, kung hindi ka naman susuko e makakamtan mo pa rin ang nais mo.

No comments:

Post a Comment