I wake up screaming every night and it’s always the same dream. Eyes are widened to look for some light. In the darkness of the night, I grasp for breath while I soak in perspiration. The ghosts in my dreams are not just what they seem. They are not mere dreams. They are pieces of me, of my past. The scream and pant are not caused by the unnoticed. They are from the wounds, open wounds that no doctor could ever heal. The torment that these voices give in my dreams is the same misery that scares me when wide awake. These nightmares become a kaleidoscope of my life, the shifting images I could barely recognize but keep rushing through my mind.
Thursday, May 26, 2011
Kaleidoscope
Simpleng Pag-ibig
Nakakatuwa ang mga bata. Idealistic ang karamihan sa kanila, kung hindi man lahat, pagdating sa pag-ibig. “Kahit ano ka pa, kung mahal ka talaga ng tao e tatanggapin ka.” Tama nga naman. May punto pero ang hindi nila alam, hindi ganoon kadali yun. Sino nga ba naman ako para magsabi tungkol sa pag-ibig gayong wala pa naman akong nakarelasyon nang official? Pero kasi hindi naman talaga ganoong kadali. Kung mahal ka ng isang tao, tatanggapin ka nito sa kung ano at sino ka man pero ikaw, kailangan mo ring magbago. Give and take ika nga. Isa pa, kapag tumatanda ka na, hindi rin kadalasan nagiging sapat ang pagtanggap niyo sa isa’t isa. Hindi kalaunan ay magpaplano kayo ng pamilya. Paano kung ayaw ng magulang mo sa kanya? Kung ayaw ng magulang niya sa ‘yo? Ipaglalaban, oo pero hindi sa lahat ng panahon ay kayang manalo ng pag-ibig. ”Basta mahal niyo ang isa’t isa e mamumuhay kayong masaya”. Kapag ka ba may pamilya ka na at may mga anak na hindi makakain nang tatlong beses sa isang araw ay masaya pa rin? Kapag ka ba kailangan ng anak mo ng tulong sa iskwelahan at hindi mo matulungan dahil hindi ka nakatapos ng pag-aaral ay masaya pa rin? Nagmamahalan kayo. Ano bang pagmamahalan ang tinutukoy? Siguro dapat mahal mo siya kaya dapat kumayod ka upang hindi siya magutom. Mahal ka niya kaya mag-aaral kang mabuti upang bigyan siya ng dahilan upang mas mahalin ka. Minsan naiisip ko na sana kasing simple na lamang ng noon ang pananaw ko pagdating sa pag-ibig. Na basta mahal niyo ang isa’t isa e okay na. Pero habang lumilipas ang panahon e namumulat ako sa mga responsibilidad na kaakibat ng pagmamahal. Mahal kita. Mahal mo ako. Sana ganoon lang kasimple ‘yon.
Usapang Iskul
Ang edukasyon ang isa sa lagi nating sinasabing pinakamahalaga sa buhay na ito. Sino namang hindi sasang-ayon dito ‘di ba? Ito ang bagay na isa sa mga stepping stones natin para sa kaunlaran. Bagay na hindi nakakamit ng lahat. Isa sa mga tanong ko noon ay kung bakit ba kailangan pang mag-aral sa loob ng halos dalawang dekada kung maaari ka namang umunlad basta pursigido ka sa buhay. Ngayon, naiintindihan ko na. Hindi nga naman sapat ang pursigido ka lamang. Dapat kasama sa pagtityagaan mo ang pag-aaral. Tama nga si Bob Ong, dalawang dekada mo paghihirapan ang pag-aaral, kung hindi mo kayang pagtyagaan, limang dekada ng kahirapan ang kabayaran. Mahirap ang buhay. Noon pa man, mahirap na. Pero sa ngayon, lumalaki ang populasyon, dumadami ang kakompetensya sa paghahanap ng trabaho. Kung ang mga nagsipagtapos nga ng magandang kurso sa magandang unibersidad ay nahihirapan maghanap ng trabaho, paano pa yung mga hindi man lang nakatungtong sa kolehiyo o hindi nakatapos ng high school? Kahit gaano ka rin siguro katyaga ay talo ka pa rin ng mga nagsipagtapos maliban na lamang kung magtatayo ka ng sariling negosyo. Gayunpaman, para palakihin ito, kailangan mo pa rin ng kaalaman. Sa halos lahat naman ng bagay na ginagawa natin sa buhay ay kailangan natin ng kaalaman e. Tayong mga nabibigyan ng pagkakataon para mag-aral, maswerte tayo. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ipinagkaloob sa atin. Bilang isang estudyante, naiintindihan kong mahirap at minsan nakakatamad. Hindi ko naman sinasabing kailangan nating maging valedictorian ng isang graduating class dahil talagang mahirap yun. Mahirap maging estudyante. Sa akin lang, sa bawat pagpasa natin, maging masaya tayo dahil may natutunan tayo. Sa bawat pagbagsak natin, huwag tayong sumuko, isa yung pagkakataon para mas maintindihan pa natin ang mga bagay-bagay. Isa sa mga bagay na natutunan ko bilang isang estudyante ay ang pagpapahalaga sa kung anong nakukuha ko at hindi makuha ng iba – ang makapag-aral sa magandang unibersidad, ang magkaroon ng apartment na tinutuluyan, ang makain ang gusto kong pagkain, ang mabili ang gusto ko, ang magawa ang gusto ko bilang isang estudyante at marami pang iba. Sabi ng pinsan ko na hindi nakapagtapos ni high school ay masaya na siyang mgakaroon ng trabaho nang 50-100pesos ang sweldo sa isang araw. Napasimangot na lamang ako. Pangload ko lamang yun sa isang araw pero siya, masayang masaya na at pinagpapaguran ang bawat pisong tinatamo. Doon ko naisip na kailangan ko na talagang tapusin ang pag-aaral ko para matulungan siya. Matalino kasi siya. Magaling kung sa magaling pero inabandona ng magulang kaya wala ring nangyari. Nang umiyak ang pinsan kong iyon sa akin, natuwa na nalungkot ako. Natuwa ako kasi narealize ko kung gaano ako kaswerte. Pareho lang kasi kaming lumaking walang magulang. Ang pinagkaiba nga lang, buhay pa ang lola namin noong panahon ko at hindi talaga ako nakaisip ng pagsuko samantalang siya, wala na ang inay naming na laging nariyan at gagawin ang lahat para ibigay ang gusto namin. Ang masama pa ay nakakaisip na rin siya ng pagsuko. Ayaw na raw niya. Wala siyang patutunguhan. Mahina ako sa mga ganito. Kami lang dalawa ang magkausap noong gabing yun. Labinlimang taong gulang pa lamang siya. Wala akong nagawa kundi umiyak. Sinabi ko sa kanya na lalong wala siyang patutunguhan kung susuko siya. Basta huwag niyang pabayaan ang sarili niya at huwag na huwag siyang gagawa ng masama dahil hindi ko rin naman siya kayang bantayan palagi. Umiyak siya. Sinabi niyang sa akin na lamang siya naniniwala sa ngayon. Nawala na ang tiwala niya sa mundo. Naiintindihan ko. Inilagay ko ang sarili ko sa kanyang kinatatayuan – alam mong kaya mo pero tila ba kay lupit ng mundo para ipagkait sa ‘yo ang mga bagay na makakatulong sa ‘yo kabilang ang edukasyon. Nagbitiw ako ng pangako sa kanya na sa susunod na taon ay papasok na siya sa tulong ko. Bilang isang taong nagpapahalaga sa edukasyon, sino naman ako para ipagkait ito sa mahal kong pinsan? Pero siyempre, dapat may pangako rin siya pero hindi naman para sa akin, para rin sa sarili niya – kailangang hindi siya masangkot sa kahit anong gulo at dapat manatili siyang mabuting tao. Sumang-ayon naman siya. Ganun din sa amin ng kapatid ko. Gusto ng kapatid ko ay sa kung saang school lamang siya papasok. Ang sabi niya pa ay sa isang IT school. Wala naman sa akin kung saan pero habang bata pa siya, gusto kong matuto siyang mangarap. Sabi ko sa kanya, dapat sa top universities siya papasok. Dapat siyang makapasa. Sabi niya, kung dapat daw ba ay sa UP, sabi ko, hindi naman pero okay sana kung oo. Bias nga siguro ako. Pero kung hindi naman siya makapasa ay ayos lang e. Maganda rin kasing mag-aral sa isang malaking unibersidad hindi lang sa pangalan kundi sa adjustments na matututunan mo rito. Isa pa, sa laki ng populasyon sa ganitong unibersidad galing sa iba’t ibang lugar, malalaman niya kung sino ba talaga siya, kung ano ba ang gusto niya, kung paano makibagay nang hindi nawawala ang individuality. Gusto kong matututo ang kapatid ko sa sarili niyang paraan at hindi lagi na lamang nakasandal. Gusto kong magkaroon siya ng sarili niyang opinyon at hindi nakasandal sa amin. Bata pa naman siya kaya hihintayin ko na lamang din kung anong desisyon niya in the future. Ganoon din naman ako noong bata e. Maswerte ako na binigyan ako ng pagkakataong makakuha ng magandang edukasyon at hindi ako titigil doon. Kung ano ang nakamtan ko, pahahalagahan ko at ibabahagi ko. Hindi ko man maibahagi sa lahat, sa mga mahal ko sa buhay man lang.
Untitled
Inay, My life now is never the same three years ago and earlier. I was happy, contented and determined. I am not sure what happened to me but I am certain that it has something to do with what happened to you - you died, you left. Marahil ay sinasabi ng iba na hindi na ako makamove-on, na hindi ako marunong tumaggap, siguro nga. Pero mahirap mamuhay nang wala ang inspirasyon mo, ang dahilan kung bakit mo ginagawa ang lahat. Sabi ko noon sa mga nawawalan ng mahal sa buhay, “you’ll get through soon” pero hindi pala ganoong kadali. Ang hirap pala. Araw-araw, masakit. Wala mang luhang lumalabas pero may kirot sa pusong nararamdaman. Mother’s day noong isang linggo. Isang kahon ng mamon mula sa Red Ribbon ang bigay ko sa ‘yo noong huling Mother’s day na andito ka. Hindi ko yun malilimutan. Paborito mo ang mamon. Sabi mo noon e masayang masaya ka dahil naalala kita. Pero gaano ka kabait? Yung binigay ko sa ‘yong yun ay binigay mo pa uli sa amin, ang iyong mga apo. Nagagalit ka pa dahil ayaw naming tanggapin. Sabi ko, para sa iyo yun pero ang para sa ‘yo ay para sa amin na lamang ika mo. Kaarawan mo ngayon, 82 years na buhay na buhay ka pa rin sa mundo ko. Oo, buhay ka pa rin hanggang ngayon. Mapalad ako na 19 na taon ng buhay mo ay binigay mo sa akin. Almost 22 years na patuloy kitang hinahahanap-hanap. Noon, naglulupasay ako sa kalsada sa tuwing mamamalengke ka dahil ayaw na ayaw kong iiwanan mo ako. Ngayon, ganun pa rin. Parang nasa gitna ako ng kalsada, naglulupasaya at nangungulila sa presensya mo. Alam mo kung paano ako nahihirapan araw-araw. Noon pa man, kahit wala akong sabihin ay parang alam mo ang nararamdaman ko. Halos tatlong taon na akong ganito. Ayokong tumigil kahit na patuloy lang akong pinapaiyak ng masasaya o maging malulungkot na alaalang iniwan mo. Ayokong bitiwan yun. Ang mga panahong iyon, kahit na pinalulungkot ako at pinapaiyak pero sa puso ko, masaya ako na minsan sa buhay ko ay may inang kumupkop sa akin. May kaibigang nakikinig sa akin. Mali bang hilingin kong bumalik ka? Mali bang umasam ng kahit isang minuto lang ngayon na kasama ka? Kahit walang salita, walang hawak, makita lang kita masaya na ako. Habambuhay kang narito sa puso ko. Hindi kita pakakawalan. Ayokong magmove-on. Masaya akong nakilala kita. Alam ko kung nasaan ka. Andito ka lang sa puso’t isipan ko. Hindi kita aalisin. Sana nariyan pa rin ako sa ‘yo. Yakap. Halik. Sulyap. Kahit sa panaginip lang. Mahal na mahal kita. Happy birthday, Inay! Ang iyong Nini, Created: 14May2011
Hazel
On RH Bill
As I was watching ABS-CBN’s HARAPAN RH Bill: Ipasa o Ibasura, I just can’t help myself but to react. I am pro RH Bill. Bakit? Ang tingin ko kasi, kailangan ng sambayanang Pilipino na maeducate sa mga sari-sarili nilang katawan, sa mga gawaing maiinvolve tayo at mga posibleng bunga ng mga ito. Section 2 of the RH bill states that the policy is anchored on the rationale that sustainable human development is better assured with a manageable population of healthy, educated and productive citizens. Bilang isang bansang mataas ang antas ng kahirapan, kailangan nating mas maging produktibo. Paano mangyayari yun kung kulang naman tayo sa kaalaman? Kung hindi naman tayo aware sa mga sarili nating katawan? Kailangang magkaroon tayo ng kaalaman upang mas maging produktibo tayo. Nakakalungkot mang malaman pero may mga tao pa rin talagang .gumagawa ng mga bagay nang hindi nila alam na sa maaari silang mabuntis, magkasakit at kung anu-ano pa. May mga taong kulang sa kaalaman. Dahil ba ito sa kahirapan? Maaaring oo, maaaring hindi. Kung ano pa man yun, kailangan nating malaman kung anu-ano ang mga gawaing ito at ang mga posibleng bunga ng mga ito pero hindi ibig sabihin na iinvolve mo ang sarili mo dito. Sa simula ng debate e may mga nababanggit na fertilization, ovulation, conception, etc. Tama si Karen Davila, hindi alam yan ng ibang manonood. EXACTLY. Hindi alam ng ilan o ng marami ang mga ganoong bagay. Kailan pa nila dapat malaman? Kailangang malaman na agad ang mga iyan. Ang mga posibleng sakit na maaari nilang makuha kung makikipagtalik tayo, bakit, ano paano? Kung kailan, bakit, paano ba mabubuntis ang isang tao. Marami pang mga tanong na maaari namang masagot bago pa man magkaroon ng problema. Section 3 of the bill, Guiding Principles. In the promotion of reproductive health, there should be no bias for either modern or natural methods of family planning; Isyu rin sa pagpasa ng bill na ito ang tradisyon o ang mga nakagawian na ng mga Pilipino. Tradisyon. I don’t know but I think tradition changes through time. Hindi naman maaaring yung tradisyon at tradisyon pa rin ang gagawain natin sa makabagong mundo. Gumagawa tayo ng mga makabagong bagay pero ang panghahawakan natin ay ang tradisyon? Parang may mali. Hindi naman ibig sabihin ay kalimutan ang tradisyon. Pahalagahan natin ang mga yan. Pero sa panahon kasi ngayon, dala ng iba’t ibang mga bagay ay marami nang mga bagay na hindi na kayang sagutin ng tradisyon. Oo nga’t noong unang panahon ay maraming anak ang mga ninuno natin, na maaga silang nag-asawa at kung anu-ano pa. Pero noon, mahirap man ang buhay, may silong silang tutuluyan, may palay silang aanihin, may magulang na kakalinga sa mga anak nila. Ngayon, saan? Paano? Freedom of informed choice, which is central to the exercise of any right, must be fully guaranteed by the State like the right itself; May choice ang mga tao. Kung gagamit man sila ng contraception o kung ano pa man ang inooffer ng bill na ito, choice pa rin ng mga mamamayan kung ano ang gagawin nila. Alam na nila ang mga consequences, may kaalaman na sila. Options will just be given to us. The choice is still ours. Siyempre, may iba pang guiding principles pero hindi ko na lang bibigyang pansin dito. Joey Lina: Mahirap ba tayo dahil marami ang tao? Hindi. Tama ka, Mr. Joey Lina, hindi nga. Mahirap tayo dahil marami ang taong walang trabaho. Mahirap tayo dahil maraming taong walang sariling tahanan at nagsisiksikan sa squatter areas hanggang pati kalikasan ay magdumi na. Mahirap tayo dahil sa rami ng taong gustong buhayin ang kani-kanilang pamilya ay gumagawa ng krimen. Mahirap tayo dahil maraming yaman sa bansa ang hindi mautilize nang maayos dahil hindi rin sapat ang kaalaman ng iba kung paano magagamit ito ng maayos. Mahirap tayo dahil may mga namumuno sa bansa na sige, gaya ng sinasabi niyo, nangungurakot. Mahirap tayo dahil sarado ang utak natin sa mga posibleng bagay na makakatulong sa ikauunlad natin. Sex Education. May tamang edad para malaman ang mga ito. Kailan? Ano ang tamang edad? Kapag nakakita na tayo ng mga teenagers na buntis at may mga sakit na? Kapag marami na ang nagpapalaglag? May mga ilang kababaihan na Grade 4 pa lang e nireregla na. Alam ba nila na maaari na silang mabuntis? May mga kabataang nakikipagtalik nang hindi naman nila alam na maaari silang mabuntis. Yung iba nga e hindi alam na nakipagsex na pala sila e. Basta ginawa lang nila. Tool ito para sa abortion? Bakit? Dahil sa alam nila na mabubuntis sila e magiging option na nila ang abortion? Hindi naman sinabing makipagsex ka e. Sinasabi lang ang mga posibilidad na maaaring mangyari kung makikipagtalik ka. At tool? Bakit? Dahil nalaman nila ang mga ito e gagawin na nila ito? Oo nga’t nasa tao yan. Walang sino rin namang may control kung kailan natin gagawain ang mga bagay-bagay e. Kailangang magkaroon tayo ng kaalaman kung ano ang mga posibilidad kapag dumating na ang panahong pipiliin nating makipagtalik. Kailangan lang natin ng gabay as early as possible. Kapag ka ba hindi mo ineducate ang kabataan sa sarili nilang katawan at mga bagay na maaaring mangyari dito e hindi na sila makikipagsex? Oo o hindi, hindi naman tayo makakapagsabi para sa lahat e. Kaya sa tingin ko, mas mabuti nang malaman nila nang maaga. Kailan pa magiging bukas ang isipan natin? Kailan pa tayo gagawa ng hakbang? Kapag hindi na tayo makalakad? Ang may primary duty ay ang mga magulang. Pero hindi rin lahat ng magulang ay educated sa bagay na ito. Kailangan pa rin ng sex education ng ilang mga magulang. China, Japan o America, bakit mo kailangang ibase na lang palagi sa iba? Tingnan ang kalagayan ng ibang bansa. Lagi tayong nakatingin sa ibang bansa, bakit hindi muna natin imulat ang ating mga mata para makita kung ano ang nasa harapan natin? Hindi naman magpapalaglag e. Prevention is better than cure. Hindi naman kikitil ng buhay e. Wala pa namang buhay. Hindi naman abortion. E paano kung sige, nabuntis at nanganak. Hindi ba’t mas mahirap kung mamamatay ang bata dahil sa gutom? Hindi ba’t mas nakakalungkot kung maabandona lang ang mga batang wala namang kasalanan kung bakit narito sa mundo? Kung nalaman lang sana nang mas maaga na pwede na pa lang mabuntis e di sana hindi na nabuntis. Kung nalaman lang sana ng mga nasa edad na may paraan pala para hindi mabuntis e di sana hindi nabuntis. “I humbly invite you to walk around Manila with me & see situation on the ground. Your statistics do not match what I see.” -Carlos Celdran Imulat natin ang mga mata. Minsan, may mga paniniwala tayong kailangan na rin nating bitiwan para sa ikauunlad natin. May mga bagay na alam natin ang solusyon pero hindi naman natin maisagawa. May mga bagay na kailangan nating tanggapin muna bago masolusyunan. Imulat ang mga mata, makinig sa tinig ng pangangailangan, yumakap para sa ikabubuti ng lahat. “It’s a new day now and we need a new way.” -Carlos Celdran.
Ina - Laro ng Buhay
Tunay nga atang mapaglaro ang buhay. Noon, ang hangad ko ay mahalin ako bilang anak, hindi naibigay ng sarili kong ina. Galit, pasakit at sumbat lang ang nakuha ko. Pangarap kong maipaglaba ng damit ng sariling magulang, ang maipagluto ng almusal and maabutan ng tuwalya kapag nakalimutan ko itong dalhin sa tuwing maliligo ako. Hindi ko nakamit. Hindi naman ako mapaghanap ng kung anu-ano. Pero marami akong pangarap. Marami akong hiling. Pagmamahal, pagtanggap at pagkalinga, sinong ayaw ng mga yan? Masalimuot ang aking nakaraan pero hindi ko hinayaang hadlangan noon ang aking kasalukuyan at maging hinaharap. May mga bagay nga sigurong hindi mo makukuha agad. Kailangan ng paghihintay. Hihintayin munang mawala ang galit para maluwag sa puso ang pagtanggap. Makalipas ang mahigit dalawang dekada, oo, halos dalawang dekada, nakamtan ko ang aking mga hiling. Sa kabila ng bawat pait ng nakaraan, may tamis pa rin palang mangyayari. Matagal na akong nakapagpatawad. Matagal na akong tumanggap. Naghihintay na lang at gumagawa ng paraan upang maging masaya. Kanina ko lamang napatunayan na wala na, wala na ang isang anak na iniwang luhaan at duguan. Nariyan na ang tanging hinihiling - ang pagmamahal ng isang ina. Naramdaman ko ang pagsisisi niya kung paano niya ako itinakwil dati bilang anak. Naramdaman ko ang panghihinayang niya na hindi niya nakasama ang isa mabuting nilalang (sabi niya). Naramdaman ko ang pagmamahal, sa wakas. Pangit mang tingnan pero hindi ako nagsisisi sa kung anuman ang nangyari sa amin noon. Kung paano ko siya sinumbatan at kung paano niya rin ako pinagtabuyuan. Bakit? Dahil hindi siguro ganito kasaya sa pakiramdam. Iba kasi ang pakiramdam kapag yung mga hindi mo inaasahang pangyayari ay mangyayari sa ‘yo. Napakasaya. Kung hindi siguro kami nagkasamaan ng loob noon at maayos kaming nagsama ay baka hindi niya ako hanapin ngayon. Ngayon na kailangang kailangan ko siya. Wala akong pinagsisisihan. Natuto ako, natuto siya. Pagsubok sa buhay na pareho naming nilabanan. Panghihinayang siguro, meron. Sabi niya nga, konti na lamang ang panahong makakasama ko siya nang bente cuatro oras sa isang araw dahil hindi kalauna’y mamumuhay na rin ako bilang isang matanda. Magtatrabaho, mag-aasawa at magkakaroon ng pamilya. Hindi na ako bata para iisantabi ang mga bagay na ito. Magpaglaro nga ang buhay. Kung kailan nakamtan ko na ang isa sa pinakaaasam ko, saka naman konti na lang ang panahon para magpakasasa rito. Gayunpaman, hindi pa huli ang lahat. Isa ito sa mga patunay. Makalipas ang mahabang panahon, sinong mag-aakala sa pagpapatawad at pagmamahal na hindi inaaasahan? Masaya ako. Marami akong natutunan sa mga pinagdaanan ko. ganun din naman siguro siya. Sa ngayon, ayaw ko na iiyak siya at sasabihin niyang hindi ko siya pinahahalagahan tulad ng dati. At hinding-hindi ko na rin ibabalik sa kanya ang paratang na iyan. Mapaglaro ang buhay pero masayang makipaglaro. Ikaw man ang taya, kung hindi ka naman susuko e makakamtan mo pa rin ang nais mo.
Kahit Isang Araw Lang
MAMA: Dito ka na tumira sa akin ha para mabuo na ang pamilya natin. Kailan ka pa mananatili sa akin? Darating ang panahon na hindi ka na rin para sa akin. Mag-aasawa ka at magiging para sa kanila ka na at mga anak niyo. Kaya dito ka muna sa akin habang dalaga ka pa. Hindi ka na rin naman bata. Alam kong marami akong pagkukulang, hayaan mong punan ko yun anak. Sige na. Bumabaha na ng luha dito sa kwarto ko. Ang galing lang ng timing ni Mother Earth e! tsk. Haaaay. Parang dinudurog ang puso ko pero masaya naman ako. Napakaraming nasayang na panahon ng dahil sa galit. :| Ang hirap. Gustuhin ko man e siguro, ilang linggo lang kasi papasok na rin ako tapos pagdating ng October o November e magtatrabaho. Waaaa. Bakit ganun? Hindi ba pwedeng itigil muna ang ikot ng mundo at maging masaya naman kami ng ina ko kahit isang araw lang. Kahit isang araw lang. Please. :’( Ramdam na ramdam ko ang pagmamakaawa ng Mama ko sa text na ‘yon, magkasama lang kami. Ramdam ko ang pagsisisi. Ramdam ko ang panghihinayang sa mga panahong itinaboy niya ako. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin ngayon.
My Wedding
Pangarap ko ring makasal. Sabi ko pagdating ko ng edad na 27 e pwede na akong mag-asawa. Alam mo na siguro yan kung nabasa mo yung mga nakaraan kong posts. Ang kasal na gusto ko noon malapit sa kalikasan. Gusto ko noon ang beach wedding o kaya naman ay garden wedding para kasing ang romantic. Hindi kalaunan ay nagbago ang gusto ko. Gusto ko na, sa simbahan, dito sa Cathedral de San Sebastian, Lungsod ng Lipa. Gusto ko e dapit hapon ang kasal ko para naroon pa rin ang pagkaromantiko ng seremonya. Sa harap ng altar habang maganda ang paglubog ng araw sa labas. Gusto ko bongga ang gown ko maging ng mga abay. Isang beses lang ako dapat ikasal kaya dapat bongga na. Pwede rin namang maraming maraming beses akong ikasal pero sa iisang tao lang. Gusto ko magandang maganda ako sa araw na ibibigay na ako ng mga magulang ko sa lalaking makakasama ko habambuhay. Gusto ko, ako ang pinakamagarbo sa araw na iyon. Sisipain ko kapag may tumalbog sa beauty ko. De, joke lang. Gusto ko, pulang pula ang gown ng mga abay ko. As in yung pulang pula para sa babae, kahit hindi sa mga abay. Simbolo ng kaligayahan para sa araw na iyon. Sa mga lalaki naman, gusto ko, makintab na itim. Simbolo ng mga pagsubok na haharapin namin sa buhay ng mapapang-asawa ko. Makintab para kahit sa problema ay kikinang pa rin ang aming samahan. Itim para mas mangibabaw ang pula, mas mangibabaw ang ligaya. Kami ng groom ay nakaputi. Simbolo ng purity, ng tunay at wagas naming pagmamahalan at pagtanggap sa isa’t isa. Oo, gusto kong bigyang kahulugan ang bawat detalye ng kasal ko. Mahalaga sa akin ang bawat bagay na naroroon sa araw kung saan heto na, ang taong naglakas loob na mahalin at tanggapin ako. Haaaay. Kapag iniimagine ko ang kasal na gusto ko e parang naiinlove ako bigla nang wala sa oras at wala namang kinaiinlaban. Kinikilig ako sa sarili ko. Chos. Ang sarap mangarap. Pero bago ko pa man siya matagpuan e paghahanda ko na ang araw na ito. Excited? Hindi naman. Paghahandaan ko lang. Mag-iipon ako. Ayoko rin kasing ikasal nang wala pa akong sariling bahay at sasakyan. Marami akong pangarap sa buhay. Kasama na doon ang lalaking pakakasalan ko at sana, sa oras na matagpuan ko siya, hindi niya babaguhin ang mga pangarap ko bagkos ay sasamahan niya akong isakatuparan yun at bubuo uli kami ng pangarap naming dalawa. Nasaan ka na ba, aking prinsipe? O sige, be a man on your own and I’ll be a woman. And when we’re ready, we’ll see each other and walk through that aisle.
Tama na.
Eto na. Final na. Tama na ang pagpapakatanga sa mga taong hindi naman worthy or let’s say, hindi naman maibalik ang mga pangangailangan mo o ni hindi man lang maappreciate ang mga ginagawa mo. Oo nga’t kapag nagmahal ka e ibigay mo na ang lahat dahil sa kahit ano namang paraan, kung masasaktan ka, masasaktan ka. Sabi ng Tita ko noong isang taon nang batiin niya ako sa sa aking kaarawan, “Dear, you are not just getting older, you are getting better.” at ngayon, kailangan kong gumawa ng sariling hakbang para pangatawanan ang pagiging mature ko. Hindi ba’t sabi ko sa sarili ko ay maging praktikal? Na ako rin ang gumagawa ng mga ikinasasakit at ikinalulungkot ko? Alam ko pa rin naman yun hanggang ngayon, hindi ko lang talaga maiwasan. Parang sasabog ako kapag hindi ko pinaramdam sa isang tao kung gaano siya kaimportante sa akin. Enough is enough. Marami na ring nasasayang na pagkakataon para sa iba. The time I am spending for someone, the time I am spending mourning for someone can be the time to make myself see things and other people and consequently fall in love with the one who will also love me. Madaling sabihin pero kailangan ring kayaning gawin. Hindi na ako bata. Wala namang magpapakulong sa akin kung sasabihin kong hindi ko mahal ang isang tao kahit na mahal ko siya. Minsan kailangan nga ring lokohin ang sarili hanggang sa ito na ang maging katotohanan. Mahirap oo, pero sa buhay na ito, ano bang madali kung hindi tayo susubok? Tama na ang pagiging masokista. Mahalin ang sarili. Pagod na ako sa mga sakit pero pinipili ko pa ring maramdaman ang mga yun. Pagod na akong umasa pero patuloy pa rin akong humahanap ng maliliit na bagay upang patuloy na humawak. Tama na. Tama na. Hindi naman ako titigil sa pagmamahal e. Hindi ko na lamang hahayan ang sarili kong makulong. Kailangan ko ring lumaya. Kailangang makalipad. Tama na.