Thursday, April 28, 2011

Sikmura at Puso

             Biyernes ng hapon, pauwi ako noon sa bahay at naisipang kumain muna sa labas. Pumunta sa palikuran, umihi at nanalamin. Binuklat ang bag para kumuha ng pulbo. Wala ang cellphone, wala ang wallet. Nadukutan ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Umuwi pa naman ako dahil masama ang loob ko at sa dami ng problemang dinudulot sa akin ng eskwelahan.

               Kumakalam na ang sikmura. Hindi ako makaiyak. Hinanap ko ang isa ko pang cellphone, buti na lamang at nasa bulsa ko ito.

            Itinext kita, “Nasaan ka? Samahan mo naman ako. Masama lang ang loob ko tapos nadukutan pa ako. Please?”

           Dahil alam kong alam mo kung saan ako pumupunta kapag masama ang loob, hindi ko na sinabi kung saan tayo magkikita. Nagtungo na ako sa simbahan, naupo sa vigil room, umiyak nang umiyak at umiyak. Sobrang sama ng loob ko. Nagalit ang kaibigan ko sa akin nang hindi ko alam, may problema ako sa eskwelahan, nawala ang cellphone na binigay sa akin ng tiyahin ko, wala akong pera at gutom ako.

            Darating ka. May yayakap sa akin. Ang katotohonang yun ay bahagyang nakapagpagaan sa aking mga dinadala noong araw na iyon. Kahit paano ay may yayakap sa akin, may pupunas ng mga luha ko at makikinig sa aking mga hinaing bukod sa Panginoong aking kinakausap habang naghihintay sa iyo.

            Sigurado ako, darating ka. Sabi mo noon, nariyan ka lamang para sa akin. Ramdam ko naman ang sinseridad at napatunayan mo na rin naman ang mga sinabi mo.

            “May gagawin lang ako, liligo lang saglit at pupuntahan ka na. Huwag kang iiyak ha. Iyakin kang bata ka eh!”

            Sabi na nga ba at hindi mo ako matitiis. Patuloy lang akong naghintay at nagdasal at naglabas ng sama ng loob. 

           Umiiyak ako. Kilala mo na nga ako. Alam mong iyakin ako kaya pipilitin kong hindi umiyak sa harapan mo at iiiyak ko na ang lahat bago ka dumating. Gusto ko rin kasing makita mong matapang na ako.

          Alas singko na ng hapon, wala ka pa rin. Hindi ka na sumagot sa mga texts ko. Ni tawag ko tila hindi mo rin napapansin. Kumakalam na ang sikmura ko. Pagpatak ng alas sais, hindi na kita mahintay, nahihilo na ako. Alam ko namang alam mong nasa bahay lang ako kung wala na ako sa simbahan. Alam mo kung saan ako pupuntahan.

         Lumabas na ako ng simbahan at naisipang umuwi. Maglalakad na lamang sana dahil nadukutan nga at malapit lang naman ang aming bahay.

          Mabagal lamang akong naglalakad sa bawat kalyeng aking nadaraanan. Nagmamasid sa mga taong nakaasalubong o nakikita. At siyempre, hindi napalampas ng aking mga mata ang isang pareha. Napakasweet na magkasintahan. Malayo pa lang e kitang-kita ko na. Lalo kitang namiss. Sana ay ganoon tayo noong araw na yun. Pero naisip ko na lang na baka nakatulog ka o may hindi inaasahang pangyayari.

          Patuloy ako sa paglalakad. Nang ilang hakbang na lamang ako palapit sa masayang magkasintahan, nakita ko ang mga masasaya nilang mukha. Nakita ko ang kanilang mga ngiti. Maligayang maligaya sila.

           Nakarating na nga ako sa bahay. Gutom man ako at pagod, hindi ko nagawang kumain o magpahinga man lang bagkos ay umiyak ako nang umiyak. Durog na durog ang puso ko noong araw na iyon. Nakakainggit ang magkasintahan na iyon na tila hindi man lang napansin na dumaan ako sa kanilang harapan.

           Punong-puno ng paghihinagpis ang aking buong pagkatao. Nasaan ka na? Bakit mo ako iniwan? Bakit mo ako pinaasang darating ka? Sana sinabi mo na lang na hindi ka pwede. Kailangan ko pa bang makita kayong masaya ng aking kaibigan? Ngayon, alam ko na kung bakit hindi niya ako kinakausap.

            Ang sakit. Hindi ako umiyak sa harapan mo gaya ng sinabi ko sa sarili ko. Gusto kong makita mo akong matapang pero ni hindi mo nga ako nasulyapan man lang. Pareho kayong mahalaga sa akin. Kailan pa ito? Kailan niyo pa ako pinaglalaruan? Ang sakit.

         Ang araw na yun. Ang araw na iyon na sinumpa ko na yun na ang huling beses na tatakbo ako sa ‘yo. Yun na ang huling beses na aasa ako sa mga pangako mo.

           Ang araw na yun, ang araw na binalot niyo ako ng pag-asa at pighati. Pinagmukha niyo akong tanga. Kumalam ang sikmura ko. Sumakit ang puso ko. Parehong gutom.

No comments:

Post a Comment