Maghintay ng matagal, umasa sa walang kasiguruhan, mag-assume nang mali, sino bang may gusto niyan? Wala mang ginusto ang mga ito pero marami at marami pa rin ang nakagagawa nito, marami ang umaasa.
Ayaw ko kapag pinapaasa ako sa wala pero malimit, kung hindi man palagi, mapaglaro ang buhay lalo na pagdating sa pag-ibig. Kahit na alam mong mali at wala kang inaasahan, dahil sa gusto o mahal mo ang tao, hindi maiiwasang manalangin, hindi maiiwasang mag-abang sa mga bulalakaw upang humiling, ang magpuyat upang hintayin ang '11:11' sa pag-asang maiibigay nito ang natatanging inaasam ng puso, ang mahalin din pabalik ng ating kinababaliwan.
Kanina lamang ay nairita ako nang biglang nagtext ang isang kaibigan. Ewan ko, pero pakiramdam ko e lumalandi siya at ayoko siyang itext pero nagreply pa rin ako. Simple lang ang mga sinasagot ko. Isang tanong niya, isang sagot ko at wala na yung kasunod na tanong rin hanggang sa nairita na ako at sinabi kong ayaw kong magtext. Bakit daw sa kanya pa? Aba, e ayaw kong makipaglandian sa 'yo.
Hindi ko na naitago ang pagkairita ko sa mga kaibigan ko natanong nila ako at naikwento ko na rin. Sabi nila, pinapaasa ko raw yung tao. Masama raw ako (pabirong sinabi na masama ako). Aba, e wala naman akong ginagawa para umasa siya. Wala namang siyang sinasabing gusto o mahal niya ako. Wala naman akong ginagawa. At isa pa, may karelasyon siya kaya huwag na huwag niyang sasabihin na pinaasa ko siyang leche siya. Nagtanong ako ng seryoso sa mga kaibigan ko kung napaasa ko nga ba nang hindi ko alam. Isang seryosong 'Oo' ang natanggap ko. %^$#%#@%^! Yung hindi mo alam na ganoon na pala ang nangyayari ung ganoon nga talaga?
Napatahimik ako, napaisip. Sabi ko, nagagawa ko pala sa iba ang mga naranasan ko. Sabi ng kaibigan ko, ganoon na nga raw, napaparamdam ko sa iba ang naramdaman ko mula sa taong ginusto ko pero hindi naman nakayang ibalik ang pagmamahal na ibinigay ko. Doon ko naisip na baka nga hindi naman nila alam minsan na may isang taong nasa likuran nila na umaasa sa kanilang pagmamahal. Na baka habang sila ay masaya sa mga buhay nila ay hindi nila napapansin na tayo'y nasa isang sulok at umiiyak.
Minsan, masyado tayong abala sa akala natin ay magpapaligaya sa atin at hindi na nabibigyang pansin ang mga taong tayo ang kaligayahan. Masisisi mo ba? Iba-iba lang talaga siguro ang kaligayahan ng tao.
No comments:
Post a Comment