Sunday, June 26, 2011

"Nagbago ka na"


         Noon, kapag sinasabihan ako ng ganito e nalulungkot ako. Para bang nawala lahat ng kabaitan ko noon at para bang hindi na ako ang ‘Hazel’ na nakilala nila.
          Mahirap naman talagang harapin ang pagbabago lalo na kapag nasanay na tayo sa isang bagay. Nasanay na, kumbaga may kinagawian na. Nagiging routine na ang isang bagay. Laging magkasama, magkalevel ng kasiyahan, kalungkutan o kung ano pa mang trip sa buhay tapos biglang darating ang panahon na kailangan niyong maghiwalay, hindi man katagalan e kailangan pa rin. May bagong makikilala, may bagong susubukan, may bagong kaibigan, may bagong ginagawa, basta may bago.
            Ngayon, hindi na ako masyadong affected kapag sinasabihan ako ng ganito - na nagbago na ako. Lagi ko na lamang sinusundan ng “Paano? In what sense ako nagbago?” 
         Minsan kasi, dumating ako sa point na sinabihan ako ng isang kaibigan na nagbago ako hindi lang sa pananamit kundi pati sa ugali. Hindi na raw ako ang Hazel na una niyang nakilala. Sobrang sumama ang loob ko noon. Hanggang sa status sa facebook e ako pa rin ang pinatutungkulan niya. Nagalit ako. 
          Ako pa rin naman ang Hazel na noon ay nakilala niya pero yun nga lang, may nagbago. Pero hindi naman ibig sabihin na may nagbago sa akin e iba na ang buo kong pagkatao. Hindi naman kasi maaaring ang pananamit ko noong elementary ay siya pa ring pananamit ko sa hayskul, sa kolehiyo, sa trabaho. Maging oras, lumilipas at hindi ako maaaring magpaiwan. Siguro nga, iba na ang ikinasasaya ko ngayon pero kasi, hindi naman maaaring kasing babaw pa rin noon ang aking kaligayahan. Tumatanda tayo, nagbabago ang pananaw, kahit naman siguro sino ay nagbabago. Kawawa naman ako di ba kung hindi ko magbabago? Kung hindi ako mag-iimprove?
         Ako pa rin ito, siguro tumigil na lang akong mamuhay sa kung paano ako gustong mamuhay ng iba kaya nasabi nilang nagbago ako. Gusto nila, ganito ako, ganoon ako dahil doon nila ako nakilala, ‘yon ang nakasanayan nila pero hindi palaging ganoon ang buhay. Ikaw, ako, siya, nagbabago. Mas napapansin lang siguro kapag nagkahiwalay kayo at muling nagkita.

No comments:

Post a Comment