Baliw bang maituturing ang taong naiinis sa sarili? May sayad bang masasabi ang isang nilalang na paulit-ulit na lang tinatanong ang sarili? Wala na ba talaga sa kabaitan ang taong alam ang problema at solusyon pero hindi makagawa ng hakbang? Ako ata yan e. Ako nga. Isang baliw, may sayad, halang at tuluyan na yatang nawala sa sarili niyang katinuan.
Alam kong mali ako pero hindi pa in ako kumikilos. Ano? Naghihintay ng paggunaw ng mundo. Baka nga. Kausap? Ano pa bang dapat hanapin kung sanay na rin namang kausapin ang sarili? Tangina naman oh, nahihirapan ako pero wala naman akong ginagawa para maibsan ang paghihirap na ito. Mahirap talagang masanay sa isang buhay na hindi mo naman inaasahang mawawala sa ‘yo. Pan de leche flan! Pagod na ako sa ganito. Pagod? E wala naman akong ginagawa ah. Paano ako mapapagod?
Kinakausap ko ang sarili ko pero ang tanong, pinapakinggan ko ba ang sarili kong tinig? Naiinis ako sa sarili ko pero tila yata mabilis makalimot ang isans ito at hindi dinaramdam ang galit ng sarili niyang kaluluwa. Tila may hindi ikaw at ikaw. May isa pa atang ikaw na natutulog at dapat nang gisingin. Aba, ineng, kailan ka pa gigising?
Gising na ako! Matagal nang nakamulat ang aking mga mata. Pero tila ba may kung anong nagdurugtong sa amin ng kamang aking kinahihigaan at hindi ako makabangon. Hindi ko malaman kung rugby ba, mighty bond, elementary paste o nilutong gawgaw lang na akala mo’y ako’y habang buhay nang nakapako at hindi maiangat ang sarili katawan. Turukan kaya ng helium? Lumutang kaya ako? Para saan? Nakahiga pero lutang pa rin naman. Tanginang buhay yan.
[WRITTEN: Oct2011]
No comments:
Post a Comment