Hindi kita kakausapin ni papansinin man lang. Galit na galit ako sa ‘yo. Sa pailang ulit na, iniwan mo ako sa ere. Sa pailang beses na, naniwala ako sa pangako mong hindi na naman natupad. Sa pailang pagkakataon, pinatunayan mong ni isa sa mga sinasabi ko, wala kang napakinggan. Palapalaging ako ang walang respeto at pagmamahal!
Kasalanan mong lahat ito! Lahat! Kung bakit nagkaganito ang buhay ko! Mula pa noon hanggang ngayon, ikaw at ikaw ang sumisira ng mga pangarap ko. Hindi ko alam kung bakit pero tila ba lagi na lang gumagawa ang tadhana para humadlang ka sa lahat ng nais kong makamtan. Kahit pa palipasin ang noon at ibaon sa limot, lagi na lamang nauulit. Inuulit at inuulit mo pa rin!
Nagsabi ako sa iyo ng minsan, pinakinggan mo ako, sinuportahan at pinangakuan na lagi kang nariyan at hindi ako pababayaan pero tulad ng isang baha, ako ay tinangay mo sa mabilis mong pag-agos at pagkatapos ng bagyo, ikaw ay lumisan. Ako? Naiwan sa lansangan, isang basura na naghihintay na lamang linisin ng iba. Bakit hindi mo ako tinangay sa ilog? Sa dagat? Handa naman akong lumangoy at magpadala sa daloy basta alam kong nariyan ka at alam ko ang ating patutunguhan. Kada may bagyo, maghihintay ka na lamang ng pagtigil ng ulan at ako ay lillisanin.
Kasalanan mo itong lahat! Lahat! Wala na ako kahit isa sa buhay ko, sumulpot kang muli para iparamdam na hindi ako nag-iisa. Tulad ng isang posporo, naging handa na muli akong magpasindi dahil alam kong kasama kita, alam kong mas malakas ang ningas nang may kasama ako. Anong nangyari? Ang sindi mo ay hinayaan mo na lamang patayin ng hangin at heto ako, nawalan na rin ng apoy.
Kasalanan mo! Ang sarap isumbat sa ‘yo ang lahat-lahat ng nangyari at nangyayari. Iniwan mo ako noon, bumalik ka at tinanggap kita at muli, iniwan mo ako. Parang kang yoyo, bumalik na naman at ang kamay ko namang ito ay handa palaging sambutin ka pero ano? Kumawala ka na naman, ayan na naman, iniwan mo ako.
Noon, nasa sulok lamang ako nang iniwan mong luhaan at duguan. Ngayon, hindi na ako nagkukubli sa isang sulok. Luhaan at duguan pa rin, nasa bingit na ng kamatayan, nasa gitna ng maraming tao, sumisigaw at nagbabakasakaling may sumaklolo. Marahil ay hahayaan na lamang ako dito sa gitna, naghihingalo, nauubusan ng hininga hanggang sa tuluyan nang mamatay. Mabuti pa noong sa sulok, masakit pero kinakaya. Pero ngayon, sa gitna ng maraming tao, mas masakit palang maiwang mag-isa. Iniwan mo akong naghihingalo, lumuluha at lumuluhod para pakinggan mo. Naghuhumiyaw ang damdamin pero walang nakakarinig. Nagliliyab ang buong pagkatao pero walang apoy na lumalabas.
Kung hindi mo ako iniwan noon, baka hindi mo rin ako kayang iwan ngayon! Kasalanan mo! Kung hindi mo ako itinakwil noon, baka hindi mo kayang makitang ganito ako ngayon! Kasalanan mo! Sino nga ba naman ako sa ‘yo? Isang pagkakasala. Isang alaala ng mga pagkakamali mo noong nakalipas. Isang abala sa iyong mga pangarap na naudlot. Isang anak sa pagkadalaga o marahil isang anak na hindi mo ginusto. Isang peklat sa pagkatao mong hindi mo ginusto at ni kailanman ay hindi mo matatanggap.
Dumating ka. Alas kwatro ng madaling araw at tinawag ang pangalan ko. Sa dinami-dami ng gusto kong isumbat sa ‘yo na kulang yata ang isang buong araw para masabi ang lahat ng ‘yon, wala akong nasabi kahit isang salita. Walang tinig na lumabas sa aking bibig. Pagbuksan ka ng pinto. Iyon lang ang tangi kong nagawa. Natulog tayong magkatabi, sinabi ko ang mga nangyari sa maayos na paraan. “Kasalanan ko na nga. Huwag mo na akong sisihin”, sambit mo.
“Tangina! Kasalanan mo nga! Kasalanan mo nga hindi ba? So sinong sisisihin ko? Yung walang kasalanan? Nang dahil sa ‘yo, nagkaganito ako. Naging patapon katulad mo! KASALANAN MO!”
Gusto ko mang sambitin pero wala talagang lumalabas na mga salitang ganoon mula sa akin kundi “Huwag na nating pag-usapan, matulog ka na”.
Badtrip ako, umaga pa lang simula ng dumating ka pero hindi ko kayang ipakita sa ‘yo kaya umalis na lamang ako, nagpasundo sa lalaki at magkakape para magpalamig ng ulo. Sabi ko, babalik ako ng tanghali pero gabi na nang ako ay nakabalik. Naroon ka pa rin – nakahiga sa aking kama. Umupo ako sa upuan. Umiyak sa sobrang bigat ng nararamdaman. Umiyak sa dami ng problema. Tumingin ka sa akin. Tumulo rin ang iyong mga luha kaya dagli kong pinunasan ang akin dahil alam mong ayokong sabay tayong iiyak.
“Anak, huwag ka namang umiyak. Alam mo namang isang iyak mo lang ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Tumahan ka na”, wika mo.
“Lumabas ka ng kwarto! Labas! Bilis!” at lumabas ka nga. Naririnig ko mula sa aking kinauupuan ang iyong paghikbi. Ako, nakupo pa rin at saka umiyak pagkatapos mong lumabas. Hindi ko mapigilan ang paghagulhol. Galit sa mundo. Galit sa lahat. Sa lahat ng nangyayari, may dahilan pa ba para maging masaya ako? Galit ako sa sarili ko. Naiinis ako. Bakit sa dami kong gustong sabihin, sa dami ng gusto kong isumbat, sa lahat ng pasakit na dinulot at dinudulot mo, wala akong masabi? Bakit?
Akala ko noon, malakas akong tao, iyon din ang sabi nila. Siguro, kaya ko pa lang noon at ngayon, hindi na. Mahina ako. Wala na akong lakas para lumaban. Gusto ko na lang sumuko. Mahina ako sa problema. Mahina ako sa sakit. Mahina ako pagdating sa ‘yo. Ikaw ang nagpalakas sa akin, ikaw ang nagpahina. Ikaw ang kahinaan ko.
Kung hindi mo kayang makitang umiiyak ako, ganoon din ako sa ‘yo. Tanginang buhay naman ‘to oh! Bakit ganito niya tayo paglaruan?
Gusto kong isiping kathang-isip lang ito. Gusto kong paniwalain ang sarili kong isa lamang ito sa mga masasamang panaginip na naranasan ko, na magigising din ako at masasabing, panaginip lang pala.
No comments:
Post a Comment