Sunday, September 25, 2011

Maya

Tik tak tik tak tik tak.
         Patuloy ang pagtakbo ng oras. Patuloy na umiikot ang mundo habang ako, nakahiga, nag-iisip ng kung anu-ano.
         "Bakit nga ba naging ganito ang buhay ko? Mabago pa kaya ito? Bakit biglang naging mahirap ang lahat? Nasaan na ang mga pangarap ko?" At maraming marami pang tanong. Lumipas ang isang oras. Dalawa. Tatlo. Isang araw. Isang linggo. Lumipas at patuloy na lumilipas ang panahon.
         Gaano nga ba naman ako katanga para magreklamo sa pag-iwan ng panahon sa akin gayong nagrereklamo lamang ako sa pag-usad nito? Parang isang maya na mayroong pakpak at gustong makita ang mundo mula sa himpapawid ngunit hindi kayang igalaw ang dalawang bagay na nasa likuran upang makalipad. Kung hindi pa kakailangangin upang sagipin ang sariling buhay, hindi papagaspas. Kung hindi pa mahuhulog mula sa pugad, kung hindi pa matatakot na sumayad sa lupa ang buong katawan ay hindi pa kikilos.
        Siguro wala pa ako sa bingit kaya hindi ko pa kayang makakilos. O siguro, masyado pang marupok ang aking mga pakpak at kinakailangan pa ng kaunting panahon upang mahubog ito at lumaban at/o sumabay sa hangin. Kaunti pang panahon. Marahil din ay sadyang nagpapa-iwan sa lugar na ito. May hindi mabitawan, may hindi mapuntahan kaya takot lumipad.
         Kaunting panahon pa para panoorin ang ibang ibon na sumasayaw sa hangin. Kaunting panahon pa ng pagiging inutil, hija.
         "Aba! Hindi ka isang maya na may inahing magdadala ng pagkain sa 'yo. Ilang dekada ka na sa mundong ito e hindi mo parin kaya?" May bumubulong sa aking isipan. Nababaliw na ba ako? O ito ang gusto kong sabihin sa sarili ko? Alam ko ang mali, alam ko ang solusyon, pero hindi ako kumikilos. Narito ako sa isang bilog na mundo (kahit hindi naman talaga perpekto ang pagkabilog nito), hindi alam kung saan magsisimula at kung saan magtatapos. Patuloy-tuloy na naglalaro sa bilog nang walang nasisimulan at walang natatapos. Kailangan ko na atang maglakad sa linya at abutin ang kabilang dulo.
Tik tak tik tak tik tak.
          Lumipas na naman ang sampung minutong wala akong nagawa. Walang natapos. Maghihintay na lamang ba na maubos ang hanging nilalanghap? Mananatili na lamang ba sa aking pugad? Hindi ko pa rin alam ang kasagutan.